Ni MARK ALFONSO
PORMAL nang inalis ni Pangulong R. Ferdinand Marcos Jr., ang State of Public Health Emergency sa buong Pilipinas na dulot ng COVID-19.
“All prior orders, memoranda, and issuances that are effective only during the State of Public Health Emergency shall be deemed withdrawn, revoked or canceled and shall no longer be in effect,” ayon sa Proclamation No. 297 na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO).
Inihayag ni Marcos na ipinatupad ang muling pagbubukas ng international borders at pagluwag ng health at safety protocol requirements dahil sa patuloy na pagbabakuna at pagbaba ng bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
“All agencies are enjoined to ensure that their policies, rules, and regulations shall take into consideration the lifting of the State of Public Health Emergency and to amend existing or promulgate new issuances, as may be appropriate,” nakasaad din sa proklamasyon ng Pangulo.
Gayunpaman, mananatili pa rin aniya ang bisa ng lahat ng emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccines na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) sa loob ng isang taon.
“All EUA (emergency use authorization) issued by the FDA (Food and Drug Administration) pursuant to Executive Order (EO) No. 121 (s. 2020) shall remain valid for a period of one year from the date of lifting of the State of Public of Public Health Emergency for the sole purposes of exhausting the remaining vaccines,” dagdag pa nito.
Una nang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922 na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19 noong Marso 2020.
Matatandaang noong Marso 2020 ay inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922, na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, umapela si Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Marcos na tiyaking maibibigay pa rin ang COVID-19 allowances ng mga healthcare workers at death benefits ng mga nagbuwis ng buhay.
Ito ay sa kabila na nirerespeto ni Senador Go, chairman ng Senate Committee on Health, ang naging desisyon ni Pangulong Marcos na alisin na ang public health emergency sa bansa.
“We respect the decision of President Bongbong Marcos, Jr. of lifting the state of public health emergency in our country. We trust that it was arrived at after careful consideration of the present health issue and the need to finally open up the economy,” wika ni Go.
“Gayunpaman, ang apela ko sa executive branch ng gobyerno ay siguraduhin pa ring maibibigay sa ating mga healthcare workers ang dapat nilang nakuha noon ayon sa batas. Kasama na diyan ang mga hindi pa nabibigyan ng kanilang COVID-19-related allowances, pati ang mga death benefits para sa mga nagbuwis ng buhay sa ating laban kontra COVID-19,” hirit ni Go.
Nanawagan din si Go sa publiko na patuloy pa rin mag-ingat at unahin ang kalusugan sa gitna na rin ng mga natutunan noong panahon ng pandemya.
Samantala, inihayag ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada na hindi ito dapat maging dahilan para manumbalik tayo sa ating nakagawian at sa halip dapat aniyang isaisip ng bawat isa sa atin ang “new normal” na panatiliin ang pagiging maingat at responsable sa ating araw-araw na gawain.
Maging bukas din aniya sana ang pag-iisip ng lahat sa mga programa ng gobyerno kabilang ang pagpapabakuna at pagsunod sa mga health protocols upang masiguro ang pangangalaga ng kapakanan ng ating mga kababayan.
“Ito ay bilang sukli na rin sa mga sakripisyong ginawa ng ating mga frontliners na nangahas na makipagsapalaran sa gitna ng krisis pangkalusugan na naranasan natin. Their undaunted dedication and heroism have contributed to our progress in controlling the transmission of the virus,” pagtatapos ni Estrada.














