KASUNOD ng bahagyang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19, sinabi ng tagapagsalita ng Department of Health (DOH) na hindi pa panahon na tanggalin ang ‘state of calamity’ sa bansa.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bukod sa kaunting pagtaas, may banta pa ng mga subvariants na pumapasok na rin sa Pilipinas na mas mabilis kumalat at may ‘immune escape mechanism’.
Sa kasalukuyan, nasa 22 na ang kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 na natukoy sa bansa. Isang kaso rin ng Omicron subvariant BA.4 ang natukoy noong Mayo.
Nakatakdang magtapos ang ‘state of calamity’ sa Setyembre. Mapupunta na sa kamay ng papasok na administrasyong Marcos ang desisyon kung palalawigin pa ito.
“So it will be up to the president if it’s going to be lifted or not. Based on recommendations from DOH and the expert,” saad ni Vergeire.
Tinanggihan rin ng DOH ang mungkahi na alisin na ang alert level sa bansa dahil ito umano ang paraan para mabatid ang banta ng isang rehiyon o lugar kaugnay ng virus.
Dagdag pa niya, may 40 pang lugar ang hindi pa nakakaabot sa vaccination target kaya lantad pa rin ang mga ito sa hawahan.
Nagdeklara naman ang World Health Organization ng ‘public health emergency’ dahil sa inaasahang pagtaas ng mga kaso ng Covid sa katapusan ng Hulyo o sa umpisa ng Agosto dahil sa bumababang bisa ng bakuna. (Arsenio Tan)














