Isang miyembro ng Sputnik gang ang kalaboso matapos na agawin ang baril ng isang pulis-Maynila habang ang huli ay nag- aabang ng pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Padre Burgos Street sa Ermita, Maynila.
Agad na naaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Lawton Police Community Precinct (PCP) ang suspek na si Joshua Pineda,44, walang permanenteng address at nagtamo ng sugat sa noo matapos dalawang beses na bumagsak nang takasan ang inagawan ng baril na si nsi PSMS Marlon C Quitalig, nakatalaga sa Intramuros PCP, Ermita Police Station, PS-5, MPD.
Ayon sa imbestigasyon, lasing ang suspek nang maganap ang insidente alas-8 ng gabi, habang naghihintay ng pampasaherong jeep si Quitalig.
Nilapitan umano ito ng suspek at inagaw ang baril nito. Habang naga-agawan ang dalawa sa baril ay aksidente itong pumutok pero walang tinamaan.
Dito na nakaisip tumakbo ang suspek na dalawang beses na nadapa dahil sa kalasingan bago tuluyang naaresto.
Kasong Direct Assault to an agent of Authority ang iniharap sa suspek sa Manila Prosecutors Office.