Special election para palitan si Teves, bilang Negros Rep., di na maihahabol sa 2023 BSKE

By: Jaymel Manuel

Hindi na umano maihahabol pa ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng special election para sa third legislative district ng Negros Oriental, sa idaraos na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mahihirapan na silang maisabay pa sa BSKE, na idaraos na sa Oktubre 30, ang naturang special elections para palitan ang pinatalsik na si dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr..


Sa pagtaya naman ni Garcia, maaaring ang pinakamaagang petsa upang maisagawa nila ang naturang special elections ay sa Disyembre 2023.

“Hindi na po aabot sa barangay at SK elections… Mahihirapan na po. After na po. Kung sakali, ang pinakamaaga, mga December ng taong ito namin magagawa ang special election sa Negros Oriental,” aniya pa, sa panayam sa radyo, nitong Miyerkules.

Matatandaang kamakailan lamang ay pinatalsik na ng Kamara de Representantes si Teves sa puwesto dahil sa disorderly conduct at patuloy na pag-absent sa kabila ng expired travel authority.


Inaprubahan rin ng mga mambabatas ang isang resolusyon na nananawagan sa Comelec upang magdaos ng special election sa Negros Oriental upang palitan ang pinatalsik na mambabatas.

Sinabi naman ni Garcia na hindi pa nila natatanggap ang naturang resolusyon.


Matatandaang si Teves ay isinasangkot sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo sa loob mismo ng tahanan nito noong Marso 4.

Mariin naman nang pinabulaanan ni Teves ang naturang akusasyon.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read