Latest News

SOUTH AFRICAN, INARESTO NG PDEA SA PHP 42 MILLION SHABU

By: Victor Baldemor Ruiz

ISANG South African national ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency dahil sa tangkang pagpupuslit ng may anim na kilo ng shabu na may standard street value na umaabot sa P42 million kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat na isinumite ng PDEA Regional Office- National Capital Region, nagkasa ng operasyon ang Ninoy Aquino International Airport- NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng PDEA, Bureau of Customs- NAIA, NBI at PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group sa Customs International Arrival Terminal 3 ng nasabing paliparan.


Kinilala ang nadakip na banyaga na si Phillip Theunissen, sinasabing naninirahan sa No. 3 Apollo Drive, Riviera Park, Mathikeng, South Africa

Nahulihan umano ito ng humigit-kumulang sa 6,200 gramo ng methamphetamine na nakatago sa kanyang bagahe at tinatayang may standard drug value na aabot sa P42,160,000.

Sinasabing nang dumaan ang dinakip na foreigner sa customs area ng NAIA Terminal 3 ay napuna na ng mga tauhan ng Aduana ang kahina-hinalang pakete, kaya isinailalim ito sa masusing examination ng BOC-NAIA at NAIA-IADITG



Kinumpirma ng PDEA na iligal na droga ang dala ni Theunissen, na nakasilid sa transparent plastic na tumitimbang ng 6.2 kilograms.

Bukod sa droga ay kinumpiska rin ng mga awtoridad ang cellular phones, travel documents at identification cards ng suspek sa nasabing anti-illegal drug operation.


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4 of Art. II of RA 9165, o Importation of Dangerous Drugs.



Tags: Philippine Drug Enforcement Agency

You May Also Like