Dapat nang magbitiw si Senate President Alan Peter Cayetano dahil pinakikita niya na hindi na niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin bilang lider ng Senado.
Ito ang sama-samang panawagan ng 11 Senador mula sa minority bloc o kilala bilang ‘Solid Bloc (SB) 11’ matapos na muling hindi sumipot sa plenaryo ang mayorya sa ikalawang araw. Matatandaan na nitong Lunes lamang ay hindi rin sumipot ang majority Senators matapos maaresto si Senator Jinggoy Estrada, habang naghintay lamang ang minority Senators sa sessiom hall hanggang gabi.
“What happened today was a clear abandonment of responsibility, a dereliction of duty and a blatant disregard of the rules that govern this institution, because the Senate cannot be made to stop working simply because its presiding officer refuses to lead,” anang minority Senators sa isang joint statement.
Sa ilalim umano ng Rule XIV, Sec. 41 ng Rules of the Senate, maari lamang mag-postpone ang Senate President ng session matapos ang konsultasyon sa Majority Leader at Minority Leader.
“That rule was violated. This is not merely a procedural lapse—it is a direct violation of the Rules of the Senate and a serious disrespect for the institution and the Filipino people,” pahayag ng minority Senators.
Lunes at Martes ay hindi dumalo sina Cayetano at mga kasamahan niya sa majority bloc sa plenary session. Sa Miyerkules ay magkakaroon na ng sine die adjournment ang Senado at magtutuloy ng sessions sa Hulyo na.
Sinabi ni Senator Erwin Tulfo na maliwanag na “boycott” ang ginawa ng mayorya at hindi maaring ikumpara sa kanilang walkout, na bunga umano ng tangka ni Cayetano na ipilit na amyendahan ang Senate rules upang payagan ang mga Senador na makaboto kahit wala sila sa loob ng Senado.
“Maliwanag pa sa sikat ng araw, boycott ang session kahapon dahil sa sama ng loob nila na hinuli si Sen. Jinggoy Estrada,” ani Tulfo.
“Naiintindihan ko ang bugso ng damdamin nila pero paano naman ang taumbayan?… Hindi naman kami binayaran para mag-absent… Hindi rin kami binayaran para makiisa sa kasamahan namin na kinulong. Binayaran kami at binoto para magtrabaho at gumawa ng panukalang batas,” dagdag pa ni Tulfo.














