ISANG araw bago ang gaganaping Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Lunes, Oktubre 30, 2023 ay muling nagbabala si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga kandidato na sundin ang mga alituntunin na isinasaad ng mga batas hinggil sa halalan at huwag nang mandaya upang hindi sila magka-problema sa sandaling manalo sila.
Kahapon ay pinaalalahanan ni Abalos ang mga aspirante na magtalaga lamang ng tamang bilang ng poll watcher upang hindi sila maakusahan ng vote-buying.
Ayon sa kalihim, sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10946, Section 25 (k) ay pwedeng magkaroon ng ‘presumption of vote buying’ sa “hiring or appointing more than two watchers per precinct per candidate.”
Ayon kay Abalos, na-obserbahan ng Comelec na ang istilo ng ilang kandidato ay itago ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng pagkuha ng maraming kunwari ay magsisilbing poll watchers.
“Hinihiling ko sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ulat sa Comelec o DILG kung may mapansin silang presinto na umaapaw sa mga poll watchers. Iimbestigahan natin ‘yan nang maigi at gagawan ng kaukulang aksyon,” ani Abalos.
Dagdag pa ng kalihim, sa ilalim ng Section 264 ng Omnibus Election Code, ang mga kandidatong mahuhuling may paglabag sa vote-buying ay maaring maharap sa parusang pagkakulong hanggang anim na taon at ‘perpetual disqualification from public office.’
“Ang pagkakaroon ng maayos at malinis na eleksyon ay sumasalamin sa mahusay, matino at maaasahan na mga kandidatong maglilingkod sa bayan,” pagdidiin ni Abalos.