INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kakailanganin ng P40 billion, batas at dalawang taong paghahanda upang makapagdaos ng isang snap election, gaya ng panawagan ni Senator Alan Peter Cayetano.
“Mukhang kailangan po ng Constitutional amendment and/ or law,” ani Garcia, dahil aniya, ang automated election ay kailangan ng P40 bllion habang ang manual naman ay nagkakahalaga ng P20 billion.
Ani Garcia, umabot ang gastusin nitong nakaraang midterm polls ng Mayo sa kabuuang P36 billion.
Ayon naman kay Comelec spokesman Atty. John Rex Laudiangco, nakasalalay ang isyu sa political branches ng gobyerno, ang Legislative at Executive Departments.
“Ang ating Saligang Batas ang siyang malinaw na nagtatakda ng regular na pagsasagawa ng Halalang Pambansa, kasama na ang Pampanguluhan, na ang kasunod ay sa Mayo ng 2028. Ang Commission on Elections, bilang tagapagpatupad at administrador lamang ng mga batas panghalalan, ay obligadong gawin ang kanyang tungkulin kung magkakaroon man ng batas na nagtatakda ng naturang snap elections,” ani Laudiangco.
Aniya, ang 1986 Snap Presidential Elections ay isinagawa sa bisa ng Batas Pambansa Blg. 883 (December 13, 1985).
“Kaya kung may maipapasang batas ukol dito, hiling lamang ng COMELEC ay mabigyan ng sapat na panahon at pondo upang maghanda dahil ang nababanggit na halalan ay Pambansang Halalan na nangangailangan ng sapat at maayos na paghahanda. Muli, ang COMELEC ay hindi parte ng political branches of government, at mananatiling neutral at apolitical, at magpapatupad lamang ng mga Halalan ayon sa Saligang Batas at iba pang batas pambansa at lokal, na siya ding naiakda ayon sa ating Konstitusyon,” paliwanag pa ni Laudiangco.














