Smuggling ng agricultural products, tutuldukan ni Isko

UPANG maproteksyunan ang interes ng mga lokal na magsasaka at matiyak na kumikita ang kanilang kabuhayan ay ipinangako ni Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno na tatapusin na niya ang smuggling ng produktong pang-agrikultura sa bansa at ipakukulong ang lahat ng mga nasasangkot dito, kapag siya na ang nahalal na pangulo ng bansa.

Sinabi pa ni Moreno na ang gobyerno sa ilalim ng kanyang pamamahala ay siguradong lilikha ng tiyak at malinaw na alituntunin kaugnay sa istriktong importasyon ng mga produktong pang-agrikultura na siyang mangangalaga sa kapakanan ng mga magsasaka.

Kapag ito ay naisaayos na, sinabi ni Moreno na maibebenta na muna ng mga local producers ang kanilang produkto bago gumawa ng pag-aangkat.


Ayon sa alkalde ang smuggling ng mga produktong pang-agrikultura ay labis na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na producers tulad ng mga magbababoy at magmamanok at gayundin ng mga magsasaka at tagapagtanim ng gulay sa bansa.

Ipinangako rin ni Moreno na ang lahat ng sobrang produkto ng mga magsasaka ay bibilhin ng gobyerno sa tamang halaga.


Ang karagdagang suporta sa sektor ng agrikultura ay kinabibilangan mg pagbibigay ng risk-free capitals sa mga magsasaka at mangingisda, paglalagay ng mas marami pang irrigation systems habang inaayos at pinapaganda ang mga umiiral na.

Plano rin ng alkalde na maglagay ng mga cold storage facilities sa buong bansa at sa mga major production areas at makapagtatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources.


Kapag nahalal na pangulo ng bansa, isa sa unang gagawin ni Moreno bilang polisiyang pang-ekonomiya ay pagtapyas ng 50 percent sa excise tax ng produktong petrolyo upang mahila pababa ang presyo ng food production, lalo na ng bigas, pataasin ang kita ng mga magsasaka at mangingisda , pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin at masustina ang produksyon ng pagkain.

Buhay at kabuhayan, ayon kay Moreno ang magiging focus ng kanyang unang dalawang taon kasabay ng kanyang intensyon na maitawid ang mamamayang Filipino sa kahirapan at pinsalang dulot ng pandemya.

Sa ilalim ng kanyang ten-point agenda, tiniyak ni Moreno na sa ilalim ng kanyang pamahalaan ang magiging pangunahing tagapagtulak sa paglikha ng mga mas magandang trabaho at opurtunidad ay sa ang pagbibigay ng interbensyon at suporta sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na bumubuo ng karamihan ng mga negosyo sa bansa at nagbibigay hanapbuhay sa may 63 percent ng kabuuang workforce.

Bukod pa sa pagtatayo ng mas maraming mass housing, world-class hospitals, modern public schools at inter-island linkages, bibigyang prayoridad din ni Moreno sa accelerated infrastructure program ang pagtatayo ng mas maraming power plants na parehong conventional at renewable, upang matiyak na may stable at abot kayang supply ng kuryente upang mapaunlad ang ekonomiya at makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan na sa kalaunan ay lilikha rin ng mas maraming trabaho. (ANDOY RAPSING)

Tags: Manila Mayor Isko Moreno

You May Also Like

Most Read