By: JANTZEN ALVIN
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang publiko na isumbong ang sinuman na malalaman nilang sangkot sa smuggling at hoarding ng mga agricultural products.
“Mga kababayan, gaano man kalaki ang kanilang sindikatoβ¦wala pong binatbat ‘yan sa nagkakaisa nating lakas,” ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.,sa isinagawang pamamahagi ng bigas sa Capiz.
“Kaya kung may nalalaman po kayong sangkot sa ganitong transaksyon, wag po kayong matakot na mag suplong,” dagdag ni Marcos.
Una nang binigyan ng warning ni Marcos ang mga smugglers na hahabulin ng gobyerno ang malalaking sindikatong sangkot sa pananabotahe ng ekonomiya.
“Makilahok sa pagbabantay sa ating lipunan. Marami pa rin po tayong malalaking nakakapanloko ng kapwa. Tunay po na nakakagalit ang mga smuggler at hoarder na ‘yan,” ayon pa kay Marcos.
Sinabi ni Marcos na ina-amiyendahan na ng mga mambabatas para gawing kasong
kriminal at bigatan ang parusa sa agricultural hoarding at smuggling.
Nabatid na inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang bill na pabigatin ang parusa ng Anti-Agricultural Smuggling law.
Ilang agricultural groups naman ang nagsulong sa pgalikha ng special court na tututok lamang sa mga kaso ng smuggling.














