Nakatakdang ilunsad ng National Irrigation Administration (NIA) ang isang proyektong inaasahang makakapagpatatag pa lalo sa supply ng pagkain sa Pilipinas.
Ito ay ang Climate-Smart Rice Project na nakatakdang ilunsad sa Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS) sa Nueva Ecija.
Ayon kay Nia Administrator Eddie Guillen, layunin din nitong mabuo ang vision na gawing climate-smart at climate change-resilient ang Pilipinas, kasabay ng pagnanais nitong mapataas pa lalo ang bulto ng bigas na inaani sa Pilipinas upang masuportahan ang food security ng bansa .
Batay sa paliwanag ni Guillen, sa ilalim ng bagong proyekto ay isusulong ang paggamit sa Alternate Wetting and Drying (AWD) Technology sa mga irrigated areas sa mga lugar sa Nueva Ecija at Pampanga, na kapwa itinuturing na pangunahing rice-producing province sa Pilipinas.
Sinasabing makakamit ito sa pamamagitan ng pagtaas ng water productivity sa mga national irrigation system (NISs) habang binabawasan ang carbon emission sa irrigated rice cultivation.
Nabatid pa na tutustusan ang nasabing proyekto ng isang partner agency ng NIA, habang ang mga teknolohiya na gagamitin, kasama na ang iba pang mga agri inputs, ay manggagaling sa mga eksperto ng NIA at mga partner farmers.














