INAALAM ngayon ng mga awtoridad kung pulitika o personal na away ang motibo sa pagtangkang paglikida sa isang Sangguniang Kabataan chairman na malubhang nasugatan nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin kahapon ng umaga sa bayan ng Aringay, lalawigan ng La Union.
Kinilala ng Aringay Municipal Police Station ang biktima na si John Joaquin Macabinta, 23, walang asawa, SK Chairman at residente ng Barangay San Simon East.
Ayon sa Aringay PNP, nakatanggapa sila ng tawag mula sa Aringay Regional Health Unit hinggil sa naganap na shooting incident.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na sinundan ng suspek o mga suspek na sakay ng Toyota Fortuner ang biktima na lulan naman ng kanyang motorsiklo bandang alas- 12:40 ng madaling araw.
Pagsapit sa intersection ng Aringay-Tubao Provincial Road sa Brgy. San Simon East ay bumaba ang biktima sa kanyang motorsiklo at dito siya kinausap ng suspek sakay ng kulay itim na Fortuner.
Ilang saglit ang nakalipas ay tumalikod na ang biktima at dito siya pinagbabaril ng gunman na nagbaba lamang ng bintana.
Nasa stable na kondisyon na sa La Union Medical Center sa Agoo ang nasabing SK Chairman.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na nakatakas matapos ang pamamaril.