Latest News

SIYAM NA PULIS, KAKASUHAN NG PNP

By: Victor Baldemor Ruiz

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police na mahaharap sa administrative at criminal case ang siyam na miyembro ng Cavite PNP sinasabing nagtanim ng ebidensiya at nagnakaw pa sa loob ng sinalakay nilang bahay ng isang 67 anyos na dating propesora.

Sa ulat na ipinarating sa Camp Crame nakahanda na ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga dawit na pulis na una nang sinibak sa puwesto kasama ng hepe ng Imus, Cavite Police.

Sinibak sa pwesto ng Police Regional Office Calabarzon ang 9 na miyembro ng Cavite PNP na inakusahan na puwersahang pagpasok sa bahay ng isang dating propesora sa Imus Cavite na sangkot umano sa ilegal na droga.


Niransack at tinangay pa umano ng mga pulis ang ilang gamit sa bahay at pera bukod pa sa akusasyong tinaniman nila ng ebidensiya ang matandang babae.

Sa report sa Kampo Krame ni PRO Calabarzon Regional Director Police BGen. Carlito Gaces, kabilang sa inalis sa pwesto ang team leader ng Station Drug Enforcement Unit na si Police Major Alexes Tuazon.


Dinis-armahan na umano at inilagay ang grupo ni Tuazon sa Provincial Administrative and Resource Management Unit habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PRO Calabarzon.

Sa inisyal na pagsisiyasat ay nakita sa kuha ng CCTV footage sa labas ng bahay ni Rebecca Caoile, sa Barangay Alapan 1-A, ang pagdating ng mga pulis at puwersahang sinira ang pinto para makapasok.


Mga tauhan umano ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Unit ang mga pulis na nagsasagawa ng buy-bust operation laban kay Caoile, na dating college professor.

Madidinig pa umano ang paghingi ng matanda ng tulong habang tinatangka pa ng mga pulis na mapasok ang kaniyang bahay.

Makikita na may pulis na naghahalungkat sa nakaparadang motorsiklo sa labas ng bahay. Nang makapasok ang mga pulis, makikita na may bitbit na silang gamit nang lumabas kasama na rin nila si Caoile.

Nabatid na nag viral ang nasabing video kaya inihayag ni Cavite PPO director Colonel Bernard Christopher Olazo Na inalis na sa puwesto ang mga sangkot na pulis at sasampahan ng kaukulang reklamo.

Nagtanim din umano ng droga ang mga pulis na ginawang ebidensiya, at wala rin umanong search warrant ang mga awtoridad.

Itinanggi naman ng Imus City police ang mga alegasyon at iginiit na nasa barangay drug watchlist ang suspek.Katunayan mahigit P100,000 na halaga umano ng shabu ang nakuha sa suspek.

Subalit kapuna puna na nakalagay umano sa “spot report” ng mga pulis na ginawa ang buy-bust operation noong August 2 sa ng 8:00 p.m. Pero makikita sa CCTV footage na maliwanag pa nang mangyari ang pagsalakay.

Tags: Philippine National Police

You May Also Like

Most Read