SIYAM NA BIGASAN SA BULACAN SINALAKAY, P100-M HALAGA NG HINIHINALANG SMUGGLED RICE, KINUMPISKA

By: Victor Baldemor Ruiz

SINALAKAY ng mga tauhan ng Bureau of Customs Intelligence Group-Customs Intelligence and Investigation Service ng Manila International Container Port ang siyam na bodega ng bigas na nag-imbak ng libu-libong sako ng imported na bigas sa Balagtas, Bulacan.

Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso Enciso, bahagi ito ng kautusan ni Pang. Bongbong Marcos, Jr. na sugpuin ang smuggling lalo na sa mga produktong agrikultura.


Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, isang joint anti-smuggling operation ang inilunsad ng kanilang mga tauhan katuwang ang Philippine Coast Guard at Department of Agriculture.

Inaalam ngayon kung smuggled o sadyang binili sa murang halaga ang mga nadiskubreng imbak na bigas na pinalabas umanong local produce rice pero posibleng smuggled.

Binigyan ng 15 araw ang mga may- ari ng sinalakay na bigasan para makapagpakita ng mga kaukulang dokumento.


Sinabi ni Enciso na nagkakahalaga ang mga nasabing smuggled rice ng halos ?100 milyon kung saan ang ilang warehouse ay nagre-repack at hinahaluan ang bigas ng mga local rice upang maibenta nang mas mahal.

Agad isasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang bigas at kung maaaring kainin ay ibibigay ito sa Department of Social Welfare and Development o kaya naman ay sa National Food Authority upang maibenta nang mura.


Ayon kay Enciso, ikinasa nila ang raid matapos makatanggap ng impormasyon na nakaimbak sa mga warehouse ang mga smuggled na imported na bigas.

Aniya, posibleng binili at inimbak ng ilang taon ang bigas habang mababa pa ang presyo nito kung kaya’t ang ilang sako ng bigas ay binubukbok na.


Kakasuhan din ng BOC ng paglabag sa Tariff and Customs Act ang mga may-ari ng nakumpiskang mga bigas sa oras na napatunayang puslit ang mga ito.

Tags: Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso Enciso

You May Also Like