Kelan lamang, napakitaan ako ng video ng patawag ni ex-mayor Isko Moreno sa mga barangay chairman habang kasagsagan ng bagyong ‘Carina’ kung saan pinalalabas nito sa kanyang talumpati na kaya nakapuwesto sa gobyerno ang magkakapatid na Lacuna at maging asawa ni Mayor Honey Lacuna ay dahil sa kanya. Kapag alam mo ang totoo, mapapailing kang talaga.
Para sa kaalaman ng mga taga-Maynila, iisa-isahin po natin para maliwanag at malaman ninyo ang totoo at ito ay madali naman ninyong mabe-beripika.
Una, si Mayor Honey Lacuna at asawa nitong si Dr. Poks Pangan. Pareho silang doktor at kapwa nagsimulang mag-trabaho sa Maynila bilang manggagamot noong panahon ni Mayor Fred Lim. Samakatwid, si Mayor Lim ang nagpwesto sa kanila at hindi si Isko.
Pagdating naman kay Architect Dennis Lacuna, ito ay napuwesto noong panahon ni Mayor Erap Estrada. Muli, hindi si Isko ang nagpwesto sa kanya.
Si Philip Lacuna ay tumakbo bilang konsehal sa ikaanim na distrito ng Maynila at nanalo. Ang nagpuwesto sa kanya ay mga residente ng 6th district at hindi si Isko.
Ito namang si Dr. Lei Lacuna, tumakbo at nanalo bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Maynila. Dahil diyan, siya ay nagkaroon ng puwesto sa konseho ng Maynila at kasalukuyang naninilbihan bilang Konsehal. Ang nagpuwesto sa kanya ay ang mga bumoto sa kanya at hindi si Isko.
Ano ngayon ang sinasabi ni Isko na dahil ipinuwesto niya ang magkakapatid na Lacuna ay nakabayad na siya ng utang na loob sa namayapang si dating Vice Mayor Danny Lacuna kung kanino niya utang ang lahat ng kanyang narating? Isinusumbat niya ang isang bagay na hindi naman siya ang nagbigay.
At ipagpalagay na nating totoo ang kanyang imbentong istorya na siya nga ang nagpuwesto sa mga Lacuna, dapat ay balikan din niya kung paano niya narating ang posisyon kung saan nagmula ang kapangyarihan niyang makapagpuwesto ng mga tao.
Para siyang putik na hinulma ni VM Danny, ng inyong lingkod at ng buong Asenso Manileno party at members, para maging tao, maging konsehal, vice mayor at mayor. Maging sa pagsuong niya sa pagka-Senador at Presidente na kapwa siya natalo, hindi kami nawalang lahat sa kanyang likuran, lalo na si Mayor Honey na laging naka-suporta, lalo na sa mga panahon na siya ay talunan at iniiwan ng mga inakala niyang kaibigan at supporter.
Nang kunin namin ni Danny itong si Isko at isama sa partido, pinakuha ni Danny si Isko ng crash course sa local governance nang di siya inaaglahi ng mga kasamahan niya sa konseho dahil sa kakulangan sa edukasyon. Mula doon ay inalagaan siya lalo na ni Danny, hanggang sa siya ay maging vice mayor at kalaunan, mayor. Wala pa diyan ang mahabang listahan ng mga personal na pabor na naibigay sa kanya.
Hindi namin naging ugali ang magbilang ng pabor na ibinibigay, lalo na sa mga taong itinuturing naming kaibigan o kapamilya. Napilitan lang akong ikwento ngahon ang mga bagay na ito dahil napaka-unfair lalo na para kay Mayor Honey, na isumbat ni Isko ang mga bagay na hindi naman sa kanya galing.
Paano nanalo si Mayor Honey? Hindi rin naman dahil sa kanya. Dahil tumakbong Presidente si Isko, natural na bilang kasalukuyang Vice Mayor, ay si Honey ang iendorso ng partido. Inuulit ko, partido ang nag-endorso at hindi si Isko lamang.
Habang natakbong Presidente, ni hindi nga natulungan ni Isko si Honey pagdating sa pondo at personal na suporta dahil dalawang beses lang naman siyang bumaba sa Maynila at ‘yan ay nung proclamation rally at miting de avance lamang.
Binuno ni Mayor Honey ang kampanya na ang kasama ay ang kanyang runningmate at ngayon ay Vice Mayor Yul Servo.
Sa bandang huli, pag pinagsama ang botong nakuha ng dalawang nakalaban ni Mayor Honey ay lamang pa ito ng mahigit sa 200,000 na boto. Nakapagtala si Mayor Honey ng pinakamalaking kalamangan sa kasaysayan ng halalan sa pagka-mayor sa Maynila.
Kung tutuusin, mas maganda pa nga ang naging resulta ng eleksyon sa Maynila para kay Mayor Honey dahil si Isko, ni hindi nag-number one sa Maynila at ito ay alam ng lahat. Si PBBM ang nag-number one sa Maynila at sa pagkakaalam namin, nag-number 2 pa si Leni Robredo at number 3 si Manny Pacquiao. Kaya hindi talaga pupuwede palabasin ni Isko na siya ang nagdala kay Mayor Honey sa Maynila. Walang ganun.