Pormal nang inilunsad sa San Juan City ang Single Ticketing System (STS) bilang bahagi ng pagtatatag ng unipormadong polisiya sa mga traffic violations at penalty system sa National Capital Region (NCR).
Mismong si Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora, kasama sina Land Transportation Office (LTO) Regional Director Atty. Noreen San Luis-Lutey, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando S. Artes, ang nanguna sa launching ng STS sa San Juan City Hall Atrium kahapon ng umaga.
Kasama rin nila sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa mga partner organizations at agencies na kinabibilangan ng Landbank DECS Department Manager Zenaida R. Rodenas, GCash Public Sector at NCR Lead Ms. Rose Abarquez, Maya Key Accounts Specialist Ms. Norika Pineda, at RBS Software Solutions Managing Director Mr. Lemuel Aceron, MMDA AGM for Operations Asec. David Angelo Vargas, MMDA Dir. Milagros Y. Silvestre, at Atty. Vic Nuñez, gayundin si Vice Mayor Angelo Agcaoili, at mga miyembro ng city council.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Zamora na nagpapasalamat siya dahil naisakatuparan din ang paglulunsad ng STS sa San Juan pagkatapos ng mahabang panahon.
Ayon naman kay San Luis-Lutey, ang STS ang magsisimula ng pagbabago ng law enforcement sa Pilipinas. “The law enforcement is already technologically-abled. Sa parte po ng LTO, gusot naming siguruhin na ligtas ang mga mamamayan dahil pinaigting natin ang law enforcement. Asahan niyo po ang suporta ng LTO at ng DoTr sa single-ticketing system.”
Sa nasabi ring aktibidad, nabatid na ang MMDA ay nag-turned over ng 30 handheld devices sa San Juan City na siyang gagamitin sa pag-iisyu ng violation tickets sa mga tsuper na magkakaroon ng paglabag sa 20 common traffic violations na napagkasunduan ng LTO at ng MMC.
Ang mga naturang handheld devices ay magpapahintulot rin sa mga mahuhuling motorista na agarang magbayad ng multa gamit ang mga online payment channels at credit cards.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Artes na, “Ito po ay historic moment dahil after 28 years ay maro-roll out na fully ang single ticketing system. Marami pong nagtangka na i-implement ito. Pero during our term as MMDA chair and Mayor Zamora as MMC president ay naisakatuparan na ito.”
Inianunsiyo rin naman ng MMDA chief ang pagbili nila ng karagdagang 1,000 handheld devices na ipapamahagi nila sa iba’t ibang LGUs.
Nabatid na kabilang sa mga common traffic violations sa ilalim ng STS ang disregarding traffic signs, illegal parking attended, illegal parking unattended, unified volume reduction program (number coding scheme), truck ban, light truck ban, reckless driving, tricycle ban, obstruction, dress code para sa mga motorsiklo, overloading, defective motor vehicle accessories, unauthorized modification, arrogance/discourteous conduct, loading at unloading sa mga prohibited zones, illegal counterflow, at overspeeding.
Ang multa sa mga naturang paglabag ay mula P500-P5,000 na may kaakibat pang seminar, depende sa paglabag at antas ng paglabag na nagawa.
Ang STS ay inaasahang ipatutupad na rin sa iba pang LGUs ngayong taong ito.














