INANUNSYO ngayong Lunes ng Manila Electric Company o Meralco ang pagtataas sa singil ng kuryente ngayong Abril ng P0.5363 o magiging P10.1830 per kWh mula sa P9.6467 per kWh noong isang buwan.
Ito ay nangangahulugan ng dagdag na P107 sa April billing ng isang residential customer na kumukunsumo ng 200 kWh.
Ayon sa Meralco, ngayong Abril ay tumaas ang generation charge ng P0.3987 o P5.8724 per kWh mula sa P5.4737 per kWh kumpara noong buwan ng Marso na resulta umano ng mataas na singil ng Independent Power Producers (IPP) at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
“This month’s generation charge increase would have been significantly higher, but Meralco coordinated with the Energy Regulatory Commission (ERC) and some of its suppliers to again defer collection of portions of their generation costs to cushion the impact on the customers’ bills,” paliwanag ni Meralco Regulatory Management Office chief Atty. Jose Ronald V. Valles.
Bunsod ng kasalukuyang sitwasyon, nagbabala ang Meralco ng muling pagtaas ng generation rates sa mga susunod na buwan.
Iginiit din ng Meralco na kumikita lamang ang kumpanya sa “distribution, supply, and metering charges,” na nananatiling walang pagbabago simula ng magbaba sila ng singil noong 2015.