KASABAY ng pagbabalik ng deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs), nagbabalik na rin ang mga sindikato ng human trafficking na nambibiktima ng mga bata, babae, at manggagawa na patungo ng Middles East at Gul regions, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Dahil dito, nagbabala muli si BI Commissioner Jaime Morente sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na iwasan ang mga pagpapaloko sa mga illegal recruiter. Ito ay makaraan ang isang balita ng trafficking ng mga babaeng Indian national na nailigtas mula sa hindi makataong kundisyon sa Kuwait.
Nananatili umano ang human trafficking sa isa sa pangunahing “global issue” na kailangang maresolba ng bawat bansa.
“It is important that we do not take the issue of human trafficking lightly. This modern-day slavery is still very rampant, and it is happening both here and in other parts of the world,” ayon kay Morente.
Kabilang sa mga dapat iwasan ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa ang pangako na malaking sahod ng mga recruiter, agarang trabaho pagdating sa ibang bansa, at hindi pagsailalim sa pormal na proseso ng pagkuha ng mga dokumento sa pamahalaan.
Noong 2021, nasa 491 biyahero ang inendorso ng BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na hinihinalang mga biktima ng human trafficking sa bansa. (Jantzen Tan)