SIMULA sa Domingo de Ramos o Palm Sunday na hudyat ng pagpasok ng Semana Santa hanggang Sabado de Gloria, ay magtataas ng antas ng pagiging alerto ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa pamunuan ng PNP , “all systems go” na ang ilalatag nilang seguridad para sa taunang paggunita ng Semana Santa sa susunod na linggo.
Una rito ay inatasan ni Secretary of Interior and Local Government Atty Benjamin Abalos, Jr. ang PNP maging ang Bureau of Fire Protection at mga LGUs na tiyaking ligtas at maayos ang paggunita ng sambayanang Pilipino ng Mahal na Araw.
Nakahanda po ang inyong Department of the Interior and Local Government (DILG) katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) at mga lokal na pamahalaan para patuloy na pangalagaan at protektahan ang ating mga kababayan sa mahalagang panahon ng paggunita sa Semana Santa 2023.
Sa inaasahang pagdagsa ng libo-libo nating mga kababayan sa kanilang mga probinsya, inatasan ko ang PNP, BFP at mga local government units (LGUs) na manatiling naka-alerto para matiyak na magiging mapayapa, maayos at ligtas ang obserbasyon ng Semana Santa sa buong bansa, pahayag ni Sec Abalos.
Sa pangunguna ng PNP ay paiigtingin natin ang police visibility sa buong bansa, lalong-lalo na sa mga identified areas of convergence tulad ng malalaking simbahan, pilgrim sites, terminal, pantalan, at paliparan pati na rin sa mga mall at iba pang pasyalan upang matiyak na mababantayan at mapananatili ang kaligtasan ng publiko, dagdag pa nito.
Sinabi pa ng kalihim na binigyang- diin niya ang direktiba sa PNP na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal sa pagmo-monitor at paglalagay ng checkpoint sa mga lugar na itinuturing na “hotspot” kung saan mataas ang political violence.
Kasunod nito, sinabi ni PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo na wala silang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad para sa nasabing okasyon.
Una nang sinabi ng PNP na magpapakalat sila ng nasa 77,000 mga pulis sa buong bansa para tutukan ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng terminal ng bus, mga pantalan, paliparan, simbahan, pasyalan at iba pa. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














