MAITUTURING na generally peaceful ang simula ng pagsikad ng local campaign period sa buong bansa para sa 18,023 local posts na pinaglalabanan ngayon may 9 presidential and local election ayon sa ulat na nakalap ng Philippine National Police Operation Centers.
Ayon kay Major General Vicente Danao, hepe ng PNP-Directorial Staff, hanggang kahapon ay nanatiling mapayapa ang pagsisimula ng kampanya para sa 18, 023 sa local elective position .
Base sa report mula sa iba’t ibang operation center ng pambansang pulis wala pa naman silang nakikitang problema o banta na maaaring makagulo sa gagawing halalan sa mayo , ani Ltgen Danao.
“There are 18,023 local posts up for grabs while 845 candidates are running unopposed in the May elections,” ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Magugunitang sa Metro Manila ay nagpakalat ang PNP National Capital Region Police Office ng 4,000 tauhan para matiyak na magiging mapayapa ang pagsisimula ng local campaign period.
Ayon kay PLtCol. Jenny Tecson, NCRPO’s public information officer, nakahanda ang kanilang pwersa na magdeploy pa ng karagdagang pwersa kung kinakailangan.
“As of the present, may mga monitored tayo na nagka-conduct ng kanilang programa at sa ngayon, nakita naman po natin na peaceful pa rin ang aktibidades ng ating mga kandidato,” ani Tecson.
“Ang mga activities na ganito ay ina-anticipate natin na, nandyan na rin ang pinaghahandaan kasi baka ito ay… mag-take advantage ang ating kababayan na gumawa ng hindi maganda. ‘Yan ang ayaw nating mangyari,” anang opisyal kaya nagtalaga sila ng bukod na puwersa para tumutok sa mga criminal elements.
Tiniyak din ng Philippine National Police na paiigtingin nito ang kanilang pagbabantay sa posibleng paglabag ng mga kandidato at kanilang mga taga-suporta.
Pinaalalahanan naman ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga kandidato na huwag gagamit ng government resources sa kanilang pangangampanya. (VICTOR BALDEMOR)