Isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang nananawagan sa mga kandidato ng 2025 midterm national and local elections na iwasan ang paggamit ng mga plastic campaign materials
Isinagawa ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang panawagan sa lahat ng mga kakandidato sa 2025 Midterm National and Local Elections na iwasan ang paggamit ng mga plastic campaign materials bilang pangangalaga sa kalikasan.
“An essential aspect of public service is caring for the environment. I urge all candidates for public office to thoughtfully choose biodegradable cloth tarps instead of plastic ones,” ani Bishop Uy.
Sa halip,dapat umanong ipakita ng mga kakandidato ang kanilang political will sa panahon ng kampanya sa pagbibigay tuon sa kasalukuyang sitwasyon mundo na nahaharap sa matinding epekto ng climate change.
Nabatid na sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8 itinakda ng Commission on Elections(Comelec) ang paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais kumandidato sa halalan sa susunod na taon.
Sa kabila nang sa Pebrero 11, 2025 pa ang simula ng 90-day campaign period ng national candidates at Marso 28, 2025 naman ang 45-day campaign ng local candidates ay kapansin-pansin naman sa mga pangunahing lansangan ang iba’t- ibang campaign posters ng mga naghahangad ng boto sa eleksyon.
Sa nakalipas na 2022 National Elections ay naitala sa 20 toneladang plastic campaign materials ang nakokolekta araw-araw ng Metro Manila Development Authority(MMDA).