NANGHIHINGI ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) sa Batangas ng mga donasyon na N95 face masks matapos na muling maglabas ang Taal Volcano ng sulphur dioxide nitong nakalipas na mga araw.
Sa news website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ng LASAC na ipamimigay nila ang facemasks sa mga residente malapit sa bulkan upang makaiwas ang mga ito sa sakit na naidudulot ng paglanghap ng toxic na sulphur dioxide.
“There is still a need for N95 (masks), especially the areas near the Taal Volcano,” ayon sa LASAC.
Maaaring ipadala ang facemask donation sa headquarters ng LASAC sa St. Francis de Sales Major Seminary compound na matatagpuan sa Lipa City.
Ayon sa mga eksperto, ang N95 mask ay nagbibigay ng mas mataas na level ng proteksyon dahil napi-filter nito ang maliliit at malalaking particles sa tuwing hihinga ang taong may suot nito.
Sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) bandang alas-5 ng hapon noong Sabado, ang Taal Volcano ay nanatiling nasa Alert Level 1.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island na sakop ng permanent danger zone lalo na sa main crater nito, gayundin ang pamamangka sa Taal Lake at pagpapalipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa bulkan.














