Simbahan, pinabubuwag ang Provincial at Regional Tripartite and Productivity Board

By: Carl Angelo

Inihayag ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern na dapat nang buwagin ang Provincial at Regional Tripartite and Productivity Board dahil ang kailangan ng mga manggagawa ay magkaroon ng iisang national minimum wage.

Sinabi ni Fr. Erik Adoviso ng MAMLC na patuloy ang nararanasang mataas na inflation rate ng mga manggagawang Pilipino na nagpapataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa buong Pilipinas.

Sinabi ni Fr.Adoviso na dahil sa hindi magkakapantay na suweldo ng mga manggagawa na 361-pesos hanggang 645-pesos sa National Capital Region (NCR) Kung saan mas mababa sa ibang panig ng bansa kaya hindi lahat ng manggagawa ay nasusuportahan ang pangangailangan ng pamilya at makasabay sa mataas na halaga ng mga bilihin.


“Dito sa atin sa Pilipinas, nananawagan tayo ng equal pay sa pagitan ng probinsya at ng Maynila kasi pagdating sa probinsya, iba na ang minimum wage, dito sa Maynila iba narin, pero ang palaging batayang tanong ng mga manggagawa, bakit magkapareho ang presyo ng bigas sa Maynila kumpara sa probinsya,” ayon kay Fr.Adoviso.

Kasabay nito, hinihimok ng Pari ang mamamayan at opisyal ng pamahalaan na dinggin ang apela ng mga manggagawa sa karapat-dapat na wage hike at across- the- board national wage hike sa bansa.

Samantala, dapat umano magkaroon ng ‘equal pay’ para sa mga babae at lalaking manggagawa sa bansa .

“Yan yung aming nananais, na buwagin, ‘yung provincial rate.Pantay-pantay ng suweldo sa Manila at sa probinsya, siyempre ang suweldo ng kababaihan ay pantay din sa mga kalalakihan na kung saan hindi batay ang suweldo sa kasarian kundi sa kasanayan, sa kaalaman at siyempre bigyan ng maraming opportunity ang mga kababaihan na sila din naman ay tumitingkad na yaman ng ating bansa,” bahagi pa ng mensahe ni Sadoviso sa pakikiisa sa paggunita ng ‘International Day of Equal Pay’ ngayong ika-18 ng Setyembre 2024.


Napag-alaman sa pag-aaral ng Ibon Foundation na umaabot na ngayon sa hanggang 1,200 pesos ang daily family living wage upang masuportahan ng isang manggagawa ang sarili at limang miyembro ng pamilya.

Tags: Fr. Erik Adoviso

You May Also Like

Most Read