Latest News

Simbahan, nanawagan ng “trash-free Undas 2022”

Nanawagan ang Simbahang Katoliko sa publiko na sikaping gawing “trash-free” ang Undas ngayong taon sa.mga sementeryo.

Ang panawagan ay ginawa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mamamayan para tiyakin na napapangalagaan ang kapaligiran kasabay ng paggunita sa Undas 2022.

Ayon kay Fr. Antonio Labiao, Jr, executive secretary ng NASSA/Caritas Philippines, bilang mga mabubuting katiwala ng inang kalikasan ay dapat ipakita ng mga mamamayan ang pagpapahalaga at pangangalaga sa kapaligiran katulad ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay.


Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa ginanap na Untrash Undas: Enforce B.T.S. (Bawal magTapon sa Sementeryo) Policy ng EcoWaste Coalition sa Manila North Cemetery.

“It’s our shared responsibility to ensure that our environment, which includes us all, is protected against practices that pollute and degrade it… Let’s make our cemeteries trash-free,” ani kay Fr. Labiao.


Kaugnay nito, sinabi naman ni EcoWaste Zero Waste Campaigner Jove Benosa na layunin ng B.T.S Policy na hikayatin ang mga mamamayan na huwag magkalat ng anumang basura sa mga sementeryo sa pagbisita sa mga puntod ng mga yumao ngayong Undas.

Ang panawagan ay kaugnay na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa lalo na’t patuloy ang pagluwag ng mga panuntunan laban sa COVID-19. (Carl Angelo)


Tags: Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)

You May Also Like

Most Read