INIATAS ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pag-limita sa live streaming ng mga misa at sa halip ay hikayatin ang publiko na dumalo sa mga misa nang personal.
Sinabi ni Advincula na dapat paigtingin ang Katesismo sa pamamagitan ng pisikal na pagdalo sa pagdiriwang ng Eukaristiya.
Umapela rin si Advincula sa mga mananampalataya na bumalik sa mga Simbahan at makiisa sa banal na pagdiriwang lalo na tuwing Linggo.
“The constant catechesis on the necessity of our faithful to return to our churches for the Sunday Eucharist should be explained in our homilies and in our catechesis,” ani Advincula.
Pinaalalahanan rin ni Advincula ang mga lingkod ng Simbahan na ang panalangin na ‘Act of Spiritual Communion’ ay para lamang sa mga nakibahagi ng online mass at hindi para sa komunidad na nasa loob ng simbahan.
Kabilang din sa alintuntunin ang pananatili ng safety protocol sa loob ng mga Simbahan upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mananampalataya lalo na sa mga eucharistic ministers na magbabahagi ng Banal na Komunyon.
Npag-alaman na noong Oktubre 2022 ay nagabas ng kautusan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung saan hinimok ang mananampalataya na dumalo ng pisikal sa misa sa mga parokya, kasabay ng pagluwag ng pamahalaan sa mga alituntunin kaugnay sa pandemyang dulot ng COVID-19. (JAYMEL MANUEL)