Nagpahayag ng kasiyahan ang Simbahang Katoliko sa ibinigay na pansamantalang kalayaan kay dating Senador Leila de Lima, na nakulong dahil sa mga paratang ng nakaraang administrasyong Duterte na pagkakasangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
“Purihin ang panginoon sa magandang balita, “ayon kay Kalookan Bishop at Catholic Bishops Conference of the Philippines President Bishop Pablo Virgilio David .
Gayunman, dismayado rin si Bishop David kung bakit ngayon lang ito ibinigay sa dating Senador matapos ang anim na taong pagkakakulong sa PNP custodial center sa Camp Crame.
Nilinaw ng Obispo na ang kaso laban kay De Lima ay patunay na mayroong mali sa justice system ng bansa na binabalewala lamang ng mga opisyal ng gobyerno.
Binigyang-diin naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na ang pagbibigay kay de Lima ng pagkakataong makapag-piyansa ay indikasyon na “justice is lessened’.
“Hindi justice ito, pero at least the injustice is lessened na hindi nagpapatuloy at nababawasan na,” ayon kay Bishop Bacani.
Humahanga rin ang obispo kay De Lima na sa kabila ng anim na taon ay nagawa niyang magpatawad at hindi pag-asam ng paghihiganti sa kabila ng pitong taong pagkakakulong.














