SIMBAHAN, MAGKAKAROON NG SECOND COLLECTION PARA SA MGA NASALANTA NG BAGYONG KRISTINE

By: Carl Angelo

Upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, magkaroon ng second collection ang Archdiocese of Manila sa lahat ng misa sa kanilang mga parokya.

Ayon sa inilabas na Circular No. 2024-75 ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, isasagawa ang second collection sa lahat ng holy mass na isasagawa sa Sabado, Oktubre 2at at Linggo, Oktubre 27.


Kasabay nito ay hiniling din ni Advincula sa lahat ng pari, team ministry moderators, mga rectors at chaplains sa Arkidiyosesis na makiisa sa gawaing ito bilang pakikiisa sa mga nasalanta.

“My heart and prayers go out to all those affected by Typhoon Kristine particularly in Bicol Region and Quezon Province. We extend our sincere gratitude to the churches and homes that opened their doors to accommodate those affected. The solidarity among Christians is deeply felt in times like these,” ani Cardinal Advincula.

Sinabi ng Cardinal na ang lahat ng makokolekta ay direktang ilalaan para sa agarang tulong sa mga nasalanta, kabilang na ang pagkain, tirahan at iba pang pangunahing pangangailangan.


Kaugnay nito, sa bagong kautusan ay ipinagpaliban rin ang koleksyon para sa Prison Awareness Sunday sa Nobyembre 3, 2024.

Ang mga pondong malilikom ay dapat umanong isumite sa Accounting Office ng Arzobispado de Manila bago o hanggang Oktubre 30, 2024.


Umaasa umano si Cardinal Advincula na patuloy na maipadama ng mga Katoliko ang malasakit at pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkakawanggawa.

Samantala,una na ring naglabas ng P1.2 milyong piso ang Caritas Manila bilang paunang tulong para sa mga diyosesis sa Bicol na labis na nasalanta ng bagyo.


Napag-alamang makakatanggap ng tig-P200,000 ang Archdiocese of Caceres; mga diyosesis ng Libmanan; Virac; Legazpi, Daet; at Sorsogon.

Tags: Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula

You May Also Like

Most Read