KASUNOD ng pagtuligsa sa umano’y palpak na implementasyon ng gobyerno at mga telecom companies sa pinaiiral ngayong sim card registration law ay lumilitaw din na ang online scams ang nangunguna sa top 10 cybercrime cases base sa datos ng ng Philippine National Police (PNP)-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ito ay lumitaw sa nakalap na pag-aaral base sa record na naitala ng PNP-ACG sa loob lamang ng walong buwan o mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen Sydney Sultan Hernia, patuloy ang pagtaas ng kaso na kanilang naitala ukol sa ibat-ibang uri ng cybercrime sa bansa.
Bukod sa online scam, mataas din aniya ang bilang ng iba pang cybercrimes, katulad ng Illegal Access, Computer Related Identity Theft, ATM/Credit Card Fraud, Threats, Data Interference, Anti-photo and Video Voyeurism, Computer Related Fraud at Unjust Vexation.
Sa datos ng PNP-ACG, umaabot sa 16,297 kaso ng cybercrime sa buong bansa ang kanila nang natutukan at patuloy na iniimbestigahan.
Sa kasaysayan ng Anti-Cybercrime unit, ito na ang itinuturing na record-breaking o pinakamarami.
Nabatid na malaki rin ang naging ambag sa paglobo ng cybercrime cases ng paggamit ng mga hindi rehistrado at mga fake- registered sim cards
Kamakailan ay ipinakita sa media ng Presidential Anti-Organized Crime Commission kung paano nakakalusot ang mga pekeng registration ng SIM card.
Para sa ahensya, mas malala pa umano ang mga insidente ng scamming kaysa sa mga kaso ng iligal na droga, habang ang National Bureau of Investigation naman ay nagawa umanong makapag-parehistro online ng sim card gamit ang pekeng identification card na may mukha ng unggoy.
Ipinagtanggol naman ni Sen. Grace Poe na may akda ng SIM Registration Act, na nasa implementasyon umano ng mga ahensya ng gobyerno at ng mga telcos ang problema.
“The law has enough teeth against fraudsters as well as safeguards to the privacy of our people… Concerned agencies and telcos must be able to plug the loopholes in their effective implementation without halting registration,” anang senador.
“Nasa gobyerno ang responsibilidad para mapabuti ang sistema,” dagdag pa nito.
May mga sumisisi rin sa umano’y mass production at importation ng SIM card ng mga telcos na ginagamit sa mga cellphone at bank cards.