Nais ni Sen. Erwin Tulfo na mawala ang hokus-pokus sa presyuhan ng krudo.

SIKRETO SA PAGPEPRESYO NG KRUDO ALISIN, OIL DEREGULATION LAW, AMIYENDAHAN — SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Muling kinalampag ni Senador Erwin Tulfo ang Senado para mabilis na maipasa ang Senate Bill No. 641. Layunin umano ng batas na ito na amyendahan ang luma nang Oil Deregulation Law (RA 8479) para matapos na ang “hokus-pokus” sa presyuhan ng krudo.

Sa ilalim ng panukalang ito na inihain ni Tulfo kasama si Sen. Sherwin Gatchalian, magkakaroon ng ngipin ang Department of Energy (DOE) na pilitin ang mga kompanya ng langis na ilabas ang totoong presyo ng kanilang inaangkat na gasolina.


Paglilinaw ni Tulfo sa kanyang privilege speech, hindi niya gustong buwagin ang deregulation o mamerwisyo ng negosyo. “Ang layunin natin dito ay pananagutan. Gusto nating maging transparent ang presyuhan ng petrolyo sa bansa,” giit ng senador.

Binuweltahan din ni Tulfo ang tila “secret” sa presyuhan tuwing may krisis tulad ng nangyayari sa Middle East. Napapansin daw ng publiko na mabilis pa sa alas-kwatro ang taas-presyo, pero usad-pagong naman pagdating sa rollback.

“Sunod-sunod ang taas sa mga gasolinahan pero ang mga Pilipino, nakapiring kung paano kinuwenta ang presyo,” ani Tulfo.


“Kapag bumababa ang presyo sa world market, bakit barya-barya lang ang rollback natin? Totoo bang sumasabay tayo sa merkado, o sadyang itinatambak lang ang presyo para kumita nang sobra-sobra?”

Bilang Chairman ng Senate Foreign Relations Committee, naniniwala si Tulfo na ang SB 641 ang kongkretong hakbang para mapigilan ang tila hula-hulang taas-presyo. Tiniyak din niya na protektado pa rin ang mga “confidential and proprietary” information ng mga oil companies basta’t sumusunod sila sa gobyerno.




Sa huli, nakiusap si Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado na suportahan ang panukala para sa balanse ng negosyo at proteksyon ng mga consumer.


Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like