NAKATAKDANG magtaas na rin ang ‘shipping rates’ sa Pilipinas ng hanggang 25 porsyento na epekto pa rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis na nakakaapekto sa kanilang operasyon.
Ayon kay Philippine Liner Shipping Association (PLSA) president Mark Matthew Parco, dahil sa ‘deregulated’ ang industriya ng paglalayag ay hindi na kakailanganin ng pagsang-ayon ng gobyerno sa plano nilang pagtataas.
Kailangan na lamang makipagnegosasyon ng direkta ng mga shipping lines sa mga mag-ari ng mga negosyo at mga kustomer sa pagbabago sa ‘cargo rates’.
Sinabi niya na higit sa 50 porsyento ng gastos sa operasyon ang napupunta sa langis kaya malaki ang epekto ng napakataas na presyo nito ngayon sa industriya.
Ikinatwiran niya na gagawin umano nila ito upang makaligtas sa pagkalugi at hindi dahil sa nais lamang nilang kumita ng mas malaki.
Kinumpirma ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang planong pagtataas ng mga shipping lines na inilarawan nilang katanggap-tanggap naman sa ngayong humaharap ang bansa sa krisis.