‘SEXTORTIONIST,’ NANGHALAY NG 13-ANYOS NA KA-ONLINE, ARESTADO

Isang 29-anyos na lalaki ang dinakip ng mga tauhan ng PNP-Cybercrime Group nang ireklamo ng magulang ng 13-anyos na dalagitamg nakarelasyon umano nito online, matapos na pagbantaang ipakakalat ang malalaswang larawan ng dalagita kung hindi makikipagtalik sa kanya.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP-ACG na ilang buwan nang magka-chat ang suspek na si Argie Lumocso at ang menor-de-edad kung saan sinasabing nagkarelasyon ang dalawa at nagawang hingan ng suspek ang dalagita ng malalaswang larawan at videos.

Gayunman, kamakailan ay hindi lang litratro ang hinihingi umano ni Lumocso. Sinasabing nag-‘eyeball’ umano ang dalawa at dinala ang biktima sa isang motel sa Maynila at nagtagumpay itong makatalik ang dalagita.


Nang muling yayain umano ni Lumocso ang biktima na makipagtalik sa kaniya ay nagdalawang-isip na ang dalagita, Dito na umano nagbanta ang suspek na kapag hindi raw pumayag ang dalagita ay ipagkakalat nito ang nude photos at mga video sa pamilya.

Sa takot ay napilitang umamin ang dalagita sa ina hinggil sa nangyari at nagpasya ang ina niya na dumulog sa PNP kaya ikinasa ang entrapment operation sa Mandaluyong at doon dinakip ang suspek.

Pinanindigan ng suspek na may relasyon sila ng dalagita at hindi umano niya alam na menor de edad ito, na naging basehan para sampahan ito ng kasong statutory rape.

Ayon sa datos mula sa PNP-ACG, tumaas ang bilang ng mga kaso sa cybercrime mula noong kasagsagan ng pandemya at posibleng mas mataas pa ang bilang dahil sa mga hindi naiuulat na kaso. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: PNP-Cybercrime Group

You May Also Like

Most Read