Labis na natuwa ang mga miyembro ng Airport Press Club (APC) sa unang engkwentro kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Mel Robles nang pangunahan nito ang ‘PCSO Bagong Taong Salubong sa OFWs’ na unang aktibidad ng nasabing tanggapan ngayong 2026.
Sobra kasing napakamababang-loob ni Robles at game na game sagutin ang lahat ng tanong at di rin ito nagpakita ng pagkainis kahit nakakapikon ang tanong.
Laging nakangiti at mahina ang boses at malinaw ang sagot sa lahat ng ipinukol sa kanyang tanong na labas na sa aktibidad na ginanap sa NAIA Terminal 1, kung saan kasama niya ang kanyang chief of staff na si Jeremy Regino, kasama din sa aktibidad sina OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, PCSO Chairman Judge Felix P. Reyes (Ret.) at members of the PCSO Board of Directors na sina Jennifer E. Liongson-Guevara at kanyang executive assistant III Kristine Bernadette Llamas, Janet De Leon Mercado at Imelda A. Papin.
Una sa lahat ay ipinagmalaki niya na may suporta silang ibinigay sa lahat ng mga local government units (LGUs) gaya ng ambulansiya, kung saan first time umanong nagawa ng PCSO na lahat ng LGU ay natulungan.
Ayon kay Robles, first time nagawang ma-democratize ang medical mobility kaya ngayon, kahit anong liit pa ng bayan ay mayroong ambulansiya, bumoto ka man o hindi, di gaya dati na para lang sa kakampi.
Aniya, ngayon, “lahat kakampi” ang turing.
Ukol naman sa pagsalubong sa mga OFWs na kanyang personal na inabutan ng ‘Charitimba’ o timba na naglalaman ng mga tulong gaya ng bigas, instant meals at iba pa, nais umano ni Robles na iparamdam sa mga kababayan nating OFW na pag may kailangan sila kahit malayo sila ay pupuwede nilang lapitan ang PCSO lalo na para sa kanilang pangangailangang medikal.
Nais umano ni Robles na maging ‘aware at conscious’ ang OFWs na meron silang tatakbuhan kahit paano kung saan kailangan lamang nilang dumaan sa usual route gaya ng online at offices o branches ng PCSO.
Di umano uso sa PCSO ‘yung nakasanayang kultura na kailangan may kakilala ka para makahingi ng tulong at kaugnay niyan ay tiniyak ni Robles sa mamamamayang Pilipino na kapag may problema sila, lalo’t higit medical, ay mayroon silang matatakbuhan.
Aniya sa mga OFWs, alay ng PCSO ang pandagdag na tulong at pambawas ng agam-agam habang malayo sila.
Samantala ay tiniyak din niya na ‘very transparent’ ang mga lotto draw. May ISO certification umano ang PCSO para sa mga draw at mayroon ding international gaming license.
Kapag manood umano ang sinuman ng draw ay makikita nila na bawat galaw ay may camerang nakasunod kaya wala na umanong dahilan para magkaroon ng duda ang sinuman, di gaya dati.
Balak din umano ng PCSO na gumawa ng palabas na gagabay sa mga nananalo ukol sa ‘wealth management’ dahil may iba umano na napupunta ang napapanalunan sa wala dahil sa maling paggamit nito.
Ramdam na ramdam sa kasalukuyan ang silbi at mga serbisyo ng PCSO para sa lahat ng Pilipino at sa bansa, at ang pinakamaganda niyan, tiniyak ni GM Robles na hindi na lamang para sa kakampi ang PCSO dahil ngayon, niyakap na ang lahat bilang mga kakampi.
Mabuhay ang PCSO!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














