Si (gitna) ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa isang 'posterity shot' matapos dumalo sa "MACHRA Balitaan" ng Manila City Hall Reporters' Association, kasama ang kanyang chief of staff (left) na si Jerico Javier. Nasa kanan at kaliwa ni Tulfo sina MACHRA President Itchie Cabayan at Vice President Andi Garcia, na siya ring nagsilbing mga host sa nasabing news forum na ginanap sa Century Seafood Restaurant.

Sentensiyado sa karumal-dumal na krimen, dapat nasa ataul na paglabas ng kulungan — Rep. Erwin Tulfo

By: Jerry S. Tan

Nakatakdang isulong ni ACT-CIS partylist Representative Erwin Tulfo ang paglusaw sa good conduct time allowance (GCTA) para sa mga kriminal na sangkot sa mga karumal-dumal na krimen na aniya ay maari lamang dapat makalabas ng kulungan kung sila ay nasa ataul na.

Ito’y dahil nababalewala aniya ang parusang habambuhay na pagkabilanggo sa bansa para sa mga kriminal na convicted sa heinous crimes dahil na rin sa GCTA.

Sa idinaos na MACHRA’s Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association, sinabi ng mambabatas na kung hindi na talaga maibabalik ang parusang kamatayan sa bansa ay isusulong niya ang abolisyon ng GCTA.


Dismayado ang mambabatas dahil nababalewala ang parusang habambuhay na pagkabilanggo sa bansa at nakalalaya pa rin ang mga bilanggong convicted sa heinous crimes.

Giit niya, ito ay kawalan ng hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima ng mga ito, na nagkakaroon rin ng pangamba na sila ay gantihan o balikan ng mga nakalayang kriminal.


Sinabi ni Tulfo na inatasan na niya ang kanyang legal team upang rebyuhin ang batas hinggil sa imposisyon ng life sentence na katumbas lamang ng 40-taong pagkakapiit.

Dagdag pa ni Tulfo, dahil rin sa GCTA, ang naturang 40-taong pagkabilanggo ay nababawasan pa at nagiging 20-taon na lamang kung ang isang batang convict ay makalabas sa edad na 50 o 60.


“After 20 years, tatawanan ka pa, neknek mo, nakalabas na ko. Pano ka ngayon patay na mister mo, anak mo? Sabi rehab daw. Paano mo irerehab ‘yung mga buwang, mga druglord na nakatikim na ng marangyang buhay, nang-rape ng anak niya tapos pinatay pa nya buong pamilya tapos makakalaya after 20 years,” anang mambabatas.

“Sa US, pag sinabing life sentence, lalabas ka sa kulungan nasa ataul ka na. Dapat i-adopt na pag heinous crimes gaya ng massacre, isulong na lang natin na life sentence talaga,” aniya pa.

Pahayag pa ni Tulfo, “Pag heinous crime like Maguindanao massacare, ‘yung 40 years, sa 50 pinatay mo, concurrent ang pag-serve ng 40 years. It’s useless. Mabuti kung 10 pinatay mo bawat isa life sentence bale 400 years. Paano naman ang buhay nung mga pinatay? Dapat lalabas ka bilangguan nasa ataul na para naman ‘yung mga nabiktima, maramdaman ang hustisya.”

Samantala, sinabi rin ng mambabatas na bagamat hindi siya pabor sa firing squad, ikinukonsidera aniya niya ang mas makataong paraan ng parusang bitay, gaya ng lethal injection, kung saan ang kriminal ay patutulugin

Dagdag pa ni Tulfo:“This is the more humane way, ‘yung patulugin… mas makatao dahil may mga nagsasabi, wala tayong karapatan kunin ang buhay ng iba. Sa lethal injection, lalabas ka sa bilangguang nasa ataul na.” (JERRY S. TAN)

caption:

Si (gitna) ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa isang ‘posterity shot’ matapos dumalo sa “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association, kasama ang kanyang chief of staff (left) na si Jerico Javier. Nasa kanan at kaliwa ni Tulfo sina MACHRA President Itchie Cabayan at Vice President Andi Garcia, na siya ring nagsilbing mga host sa nasabing news forum na ginanap sa Century Seafood Restaurant.

Tags: ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo

You May Also Like

Most Read