Tatlong tao—kabilang ang dalawang US citizen at ang kanilang senior citizen na kasambahay—ang pinaghahataw ng martilyo sa ulo sa Sampaloc, Maynila dahil sa away-pinansyal.
Kinilala ang mga banyaga na sina Gursiman Singh, 26 at ang kanyang kapatid na si Gurparabjot , 23, kapwa mga Amerikanong dayuhan. Kasama rin sa mga hinataw ang kanilang 62-anyos na kasambahay.
Ang suspek ay isang 20-anyos na lalaki na kaibigan mismo ng biktimang lalaki.
Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), nag-ugat ang krimen nang singilin ng biktimang lalaki ang suspek sa utang nitong P100,000 na hiniram mula sa kanyang kapatid na babae nitong Oktubre 28.
Sinasabing nagalit ang suspek matapos siyang tanggihang pautangin o hiraman muli ng pera.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng apartment sa Visayan Avenue, Sampaloc, biglang naglabas ng martilyo ang suspek at pinaghahataw sa ulo ang lalaking banyaga. Nang pumasok sa kuwarto ang kasambahay at ang kapatid na babae upang umawat, maging sila ay pinagbubugbog at pinaghahataw rin sa ulo.
Nagawa ng sugatang kapatid na babae na makalabas at makahingi ng saklolo sa mga kapitbahay. Dahil dito, kinuyog ng mga galit na residente ang suspek bago ito tuluyang naaresto ng mga pulis.
Isinugod naman sa ospital ang mga biktima kung saan ang ilan sa kanila ay naiulat na nasa kritikal na kondisyon.
Sa kasalukuyan ay nakapiit ang suspek at nahaharap sa kasong three counts ng frustrated murder.














