DAHIL sa kanyang mahalagang papel na ginampanan sa kasagsagan ng pandemya bilang pinuno ng health cluster, pagbuo ng mga programang nagbibigay ng libreng alagang pangkalusugan, pagdoble ng buwanang ayuda, trabaho at mga pasilidad na pawang para sa kapakinabangan ng lahat ng senior citizens sa Maynila, nakuha ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pormal na pag-endoso ng Senior Citizens Party-list, na nagsabing si Lacuna ang uri ng alkalde na ‘deserve’ ng mga taga-Maynila ngayon at sa mga darating pang taon.
Ang pag-endoso ay ginawa ni Senior Citizens’ Party-list Rep. Rodolfo Ordanes sa isang programa na dinaluhan ng lahat ng opisyal at miyembro ng kanilang party-list, kung saan sinabi nito na sa hanay ng mga natakbong mayor sa Maynila ay si Lacuna ang ‘the best,” pinaka-consistent o tuloy-tuloy ang malasakit at pina-epektibo pagdating sa pangangalaga ng mga karapatan at kapakanan ng senior citizens.
Binigyang-diin din ni Ordanes na sa buong bansa ay katangi-tangi si Lacuna na nagawang pantayan ang P1,000 monthly stipend na ibinibigay ng DSWD sa senior citizens at dahil diyan, tatanggap ngayon ang mga seniors ng Maynila ng stipend at city allowance na may kabuuang halaga na P24,000 kada taon, kung saan P12,000 ay mula sa pamahalaang-lungsod ng Maynila samantalang ang kalahating P12,000 ay mula naman sa DSWD.
Malugod na pinasalamatan ni Lacuna si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes para sa nasabing endorsement, at tinitiyak ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na ipagpapatuloy at higit pang palalawakin ng kanyang administrasyon ang mga umiiral na programa at benepisyo para sa mga nakatatanda sa kanyang mga susunod na termino.
Buong kababaang-loob umanong tinatanggap ni Lacuna ang nasabing pag-endoso, na aniya ay isang matibay na pagkilala ng pagiging epektibo ng mga programang inilatag ng kanyang administrasyon para sa mga senior citizens ng lungsod.
Ang pag-endoso ay ginawa ni Rep. Ordanes sa isang programa na dinaluhan ng lahat ng opisyal at miyembro ng kanilang party-list, kung saan pormal nilang inihayag na si Lacuna ay isang ehemplo na dapat gayahin ng lahat ng alkalde sa bansa.
Kahanga-hanga umano ang ‘track record’ ni Lacuna pagdating sa pagkilala sa mga karapatan at kapakanan ng mga senior citizens.
“Sa mga kapwa ko senior citizen na botante ng Lungsod ng Maynila, iboto po ninyo at ikampanya pa, ang kandidato pagka-Mayor na may nagawa na at TAPAT at TOTOONG may malasakit para sa kapakanan ng mga senior citizens – si Doktora Honey Lacuna!” ani Ordanes sa kanyang opisyal na pahayag.
“Sa balota po, number 5 si Mayor Lacuna at number 89 naman ang Senior Citizens Party-list,” pagpapaalala ni Ordanes sa mga Manileño voters, sabay banggit na magiging isang ganap na senior na rin si Lacuna sa darating na kaarawan nito sa May 6.
Ani Ordanes, walang ibang kandidato sa pagka-Mayor sa Maynila ang maaring makapagmalaki na nakagawa ng mga ginawa ni Lacuna. Binanggit nito ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng hanapbuhay sa mga seniors, retirees at persons with disability (PWDs) at kung paano na ang pagkakaroon ng senior citizen dependents sa isang tahanan ay ginawang isa sa mga dahilan sa pagpili ng mga ginagawaran ng ‘ rent-to-own condominium units’ sa lungsod.
Bilang isang doktora ay naiintindihan umano ni Lacuna ang mga pangangailangan ng seniors at mga pamilyang Manilenyo at ginawa umanong makabago ni Lacuna ang sistemang pangkalusugang serbisyo sa Maynila sa isang pamamaraan na hindi pa nagawa ng sinumang naging mayor bago pumasok ang administrasyong Lacuna.
Sa katotohanan, ani Ordanes, si Lacuna din ang nagligtas sa Maynila sa COVID pandemic dahil siya ang tunay na nasa likod ng lahat ng trabaho upang paganahin ang sistemang pangkalusugan nang mga panahong iyon at ayon sa Kongresista, ibinibigay niya kay Lacuna ang kredito dahil ‘yun ang nararapat at ‘deserve’ niya (Lacuna) ito.
Matatandaan na noong kasagsagan ng pandemya, si Lacuna, sa kanyang kapasidad bilang isang doktora, ang siyang nangasiwa ng pagpapatakbo sa anim na district hospitals sa Maynila, 44 health centers at maging ng COVID hospital. Pinangunahan din niya ang pagbabakuna kung saan nagpupunta siya mismo ay nagpupunta sa mga tahanan ng senior citizens at mga ‘bedridden’ o nakaratay sa banig ng karamdaman, para sila ay bakunahan laban sa COVID, sa kabila ng bantang panganib na siya ay mahawaan.
“Ang pagtanggap ng endorso mula sa Senior Citizen Partylist ay hindi lamang karangalan, kundi isang paalala sa akin na dapat ay ipagpatuloy ko ang tunay at tapat na serbisyo sa ating mga lolo at lola,” pahayag ni Mayor Honey.