Balak ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na isulong ang pagboto ng maaga sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at buntis sa susunod na halalan.
Ang pahayag ay ginawa ni Garcia nang tanungin sa isang press briefing kung anong reporma ang kanyang gagawin para mas maging “accessible” ang pagboto ng mga Pilipino.
“Sa aking palagay, ito na ang tamang panahon na payagan na natin mas makaboto ng mas maaga ‘yung mga nakakatanda sa atin at saka ‘yung may mga kapansanan, kahit nga po ‘yung mga buntis. Upang hindi po sila makasama sa pagboto ng karamihan” ani Garcia.
Hindi na umano mapapagod ang mga seniors sa paghihintay sa mahabang pila habang ang PWDs naman ay hindi na mahihirapan sa pagboto.
Nabatid na nitong 2022 national at local elections ay nakipag-buno ang mga
senior citizens, PWDs at buntis sa mainit at mag-abang sa pila para makaboto.
“Kung napapaboto nga natin ‘yung tinatawag na local absentee voting…bakit naman hindi natin kayang pabotohin ‘yung mga nakakatanda para hindi na sila aakyat ng hagdan, o kahit na hindi na sila pipila ng pagkahabahaba mapapagod. O ‘yung mga may kapansanan, naka wheelchair, ay nahihirapan,”dagdag ni Garcia.
Samantala,sinabi ni Garcia na kinakailagan na isulong ang pag-aaral para sa internet voting sa mga Pilipino sa abroad.
Nalaman na 39% lamang ng mga Pilipino abroad ang nakaboto noong nakalipas na halalan. (Jaymel Manuel)