NAKUMPIRMANG hindi kasama si dating Senador Panfilo Lacon sa binuong five-man probe panel ng Department of Interior and Local Government (DILG) na bubusisi sa record ng mga senior officers ng Philippine National Police na hiniling na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ito ay makaraang pangalanan na ni Interior and Local Government Secretary Atty. Benjamin “Benjur” Abalos, Jr., ang ikalimang miyembro ng Advisory Group na magsasagawa ng screening sa mga nagsumite ng courtesy resignation
Una rito, may isang miyembro umano ng five-man panel ang nakiusap na huwag na siyang pangalanan habang kabilang naman si Senator Panfilo Lacson sa mga lumutang na pangalan na posibleng magiging miyembro ng nasabing advisory group na naatasang tumulong sa paglilinis sa PNP organization ng mga scalawag o sangkot sa kalakalan ng droga.
Ayon kay Abalos, ang ikalimang miyembro ng advisory panel ay si Retired Justice Melchor Quirino C. Sadang na dating Associate Justice ng Court of Appeals at naging Vice Executive Judge at Presiding Judge ng Regional Trial Court.
Ang iba pang miyembro ng Advisory Group ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP Chief Director General Rodolfo Azurin Jr., dating National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Jr. at Retired Major General Isagani Nerez.
Noong taong 1993-1994, si Sadang ay nagsilbing panel member na kumatawan sa Department of Justice ng pamahalaang Pilipinas sa Rebolusyong Alyansang Makabayan negotiating panel. Siya din ay naging law professor ng University of the East.
Sinabi ni Abalos na magpupulong na sa Lunes ang Advisory Group upang umpisahan na ang screening sa mga PNP top official at malaman kung sino-sino ang sangkot sa iligal na droga.
“Gugulong na ang pagsisiyasat. Ang importante ay matanggal ang dapat matanggal sa serbisyo at ang inosente ay maproteksyunan,” ani Sec Abalos. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)