Ang layo pa ng 2028 elections pero mukhang ganito pa lang kaaga ay may “tumatrabaho” na laban kay Senator Erwin Tulfo.
Ipinakalat sa social media kelan lang ang isang video kung saan pagalit na nagsasalita ang dalawang may edad na kababaihan sa isang pagpupulong na ginanap ng mga residente sa Greenhills East Village. Naka-direkta ang galit nila kay Senador.
Ayon sa isang naroon na nagkwento sa atin, nagalit ang dalawa nang batikusin ni Senator Erwin ang aniya ay pagpayag ng ilang opisyal ng barangay at samahan ng mga residente na may magtayo sa kanilang lugar ng isang 72-storey high-rise condominium sa Ortigas Avenue, sa loob ng Barangay Wack-Wack, nang wala man lamang umanong abiso o pagpupulong ukol dito sa hanay ng mga residente na direktang maaapektuhan, bagamat walang tinukoy na tao o pangalan si Senator Erwin.
Sabagay, nang magpunta kasi doon si Senator Erwin ay sinabi nito na siya ay nagtungo sa pagpupulong hindi bilang isang Senador kundi bilang isang residente na kasama sa mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.
Nagtataka ang ilang residenteng dumalo sa meeting kung ano ang ginagawa ng isang news outfit doon. Tapos, lumabas na nga ang video.
Sa totoo lang, nabigo ang nagpakalat ng video kung ang layunin niya ay pahiyain si Senator Tulfo, dahil lumutang lang ang kabaitan at pagiging maginoo nito.
Bilang isang lalaki din, bilib ako kung paano ipinakita ni Senator Tulfo na isa siyang tunay na lalaki na may likas na paggalang at hindi pumapatol sa babae, lalo na kung may edad na. Bilib din ako sa ipinakita niyang pasensiya sa kabila ng kanyang estado bilang Senador ng Pilipinas.
Kung naiba-iba lang siguro ang ginanun nung dalawang babae, baka pinatulan sila. Mabuti na lamang at tama ang palaki kay Senator Tulfo at ito ay likas na may good manners and right conduct.
Dun sa sinabi ng isang babae kay Senator Tulfo na ‘make your facts right’ daw, nais ko lang bigyang-diin na bago maging Senador ay nakilala si Sen. Erwin sa larangan ng media at sa media industry, kami po ay obligadong tiyakin ang lahat ng detalye bago magsulat o magsalita.
Sa kaso ni Sen. Erwin, mismong mayor ng lungsod ang nakausap niya at ito ang naging basehan niya sa kanyang mga sinabi nang araw na iyon. Ngayon, kung ide-deny ito ng mayor dahil sa kontrobersiya, isipin na lang na walang mapapala ang butihing Senador para mag-imbento.
Nakakalungkot lang na ipinakikita ng ibang netizens kung paano naman sila pinalaki ng mga magulang nila, dahil binabatikos nila si Senador Erwin nang piliin nitong hindi patulan ‘yung dalawang nagagalit na may edad na kababaihan.
Halimbawa, pinatulan sila ni Sen. Erwin at nakipagsigawan siya sa kanila, ‘yun ba ang tama at dapat? May mga nanay, kapatid na babae o anak na babae kayo. Gusto ba ninyo na patulan sila o bastusin ng isang lalaki?
Sa mga nagagalit dahil hindi pinatulan ni Senador Erwin ‘yung dalawang may edad na kababaihan, dalawang bagay lang ‘yan. Hindi kayo naturuan ng kagandahang-asal sa tahanan ninyo o absent kayo nung ituro ito sa paaralan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














