Latest News

SENATOR BONG WALANG BALAK TUMAKBO SA MAS MATAAS NA POSISYON, TUTOK SA PAGGAWA NG ‘ALYAS POGI 4’

By: Beth Gelena

SA isang panayam ay naikuwento ni Senator Bong Revilla ang pagbabalik niya sa big screen.

Say ng senador, ang napili niyang comeback movie ay ang “Alyas Pogi 4.”

Matagal na ring hindi napapanood sa big screen ang butihing senador.


Excited din ang senador habang nakikipagtsikahan sa PMPC members and officers.

Aniya, handang-handa na ang Imus Productions sa kanyang pagbabalik-pelikula na ang magdidirek ay si Dondon Santos.


Bakit “Alyas Pogi” ang naisip niya sa kanyang pagbabalik-pelikula?

“Dahil ‘yan ‘yung commitment ko pa before, ‘di ba? Noon ko pa sinasabing gagawin ko ‘yun pero hindi ko magawa-gawa. Before (2022) elections pa. Kaya ngayon, gagawin ko na.


“Maraming requests, eh. Sabi nila, gawin mo ‘yung Alyas Pogi. Kasi naka-1, 2, 3 na tayo do’n, so, pang-apat na ‘to,” patuloy ng aktor/pulitiko.

Tamang-tama raw na malapit nang matapos ang TV series niyang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” Season 2 kaya time-out daw muna siya sa TV para matutukan niya ang gagawing pelikula.

Gustuhin man daw kasi niyang magkaroon ng season 3 ang nasabing TV series ay alanganin na dahil eleksyon na next year.

Klaro na kasing muling tatakbo bilang senador si Sen. Bong.

Naitanong tuloy namin kung tatakbo siya in a higher position sa susunod na eleksyon.

Aniya: “Hindi. Okey na ako dito sa posisyon ko.”

Very proud siyang may mga batas na siyang naipasa.

Isa na ang Chalk Law na para sa mga teacher.

Siya rin ang author ng pagbaba ng edad sa senior netizens na sa edad 80, 85, 90 at 95 ay mabigyan ng P10K incentives at P100K na pagdating ng 100 years old.

Ang nasabing mga batas ay i-implement na.

In-assure ni Sen. Bong na malaking proyekto ang “Alyas Pogi 4” at buo na ang story pati na ang casting.

Balak daw niya itong isali sa Metro Manila Film Festival 2024.

Hindi niya binanggit kung sino ang kanyang leading lady pero may sitsit kaming nahagip na pangalan ni Andrea Brillantes ang lumalabas.

Naitanong din namin si Sen. Bong kung tuloy pa rin ba ang pelikulang pagsasamahan nila nina Coco Martin, Sen. Robin Padilla and Sen. Lito Lapid.

Esplika niya, parang matutuloy naman daw pero uunahin muna niya ang “Alyas Pogi 4.”

Sigurado raw kasing madugo ang pelikula nilang apat kaya dapat na paghandaang mabuti.

Regarding naman sa kanyang pamilya very proud ang senador dahil sa achievements ng kanyang mga anak.

“Grateful ako dahil meron na akong attorney at ang isa ay doktora na. Sina Bryan, Jolo at Ram ay mga public servant na rin naman.”

Kinumusta din namin ang apo niyang si Gab, ang panganay na anak ni Jolo.

“Malaki na siya. He’s 19 years old. Kay Jolo siya nakatira, pero lagi namang nasa bahay.”

Si Gab ay apo nina Bong at ng aktres na si Rosanna Roces.

Sa tanong kung bakit malapit ang senador sa press people, sagot niya:
“Ah yan naman ang laging sinasabi ng tatay ko noon. Maging malapit sa press people dahil kayo ang tumutulong sa amin. Yan ang lagi kong naririnig sa tatay ko ang mahalin kayo.”

Tags: Senator Bong Revilla

You May Also Like

Most Read