SENADOR RONALD DELA ROSA ‘ARMADO’ PA RIN? 91 HIGH-POWERED FIREARMS, HINDI PA ISINUSUKO NI BATO

By: JESSE RUIZ

KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) na posibleng nasa pag- iingat pa rin ng pinaghahanap na si Senador Ronald Bato Dela Rosa ang maraming high-powered firearms na nakapangalan sa kanya.


Ito ay dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naibabalik sa PNP ang 91 sa 117 baril na nakarehistro sa pangalan ni Dela Rosa, matapos bawiin ang kanyang mga lisensya at rehistrasyon ng mga baril.

Ayon kay Police Maj. Gen. Aden Lagradante, direktor ng PNP Civil Security Group (CSG), 26 pa lamang sa 117 baril ang nai-turn over sa pulisya.

“From 117, 26 ‘yung na-turn in nila so we still have 91. Continuous ’yung ating coordination doon sa legal officer niya,” ani Lagradante.


Nabatid na may Type 5 Gun License si Dela Rosa, na dating nagpapahintulot sa kanya na magkaroon ng mahigit 15 baril bago ito bawiin.

Inisyu noong Mayo ang kautusan sa pagbawi ng kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at rehistrasyon ng 117 baril, kaugnay ng standing arrest warrant laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC) para sa mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa ‘drug war’ noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.




Inihayag ng PNP na nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa legal officer ni Dela Rosa para matukoy ang kinaroonan nito at maisuko ang natitira niya ng mga baril. Sinabi rin ni Lagradante na humihiling ng reconsideration ang kampo ng senador sa Firearms and Explosives Office (FEO).

“By our rules, dapat ma-surrender. But ang last na information, in the process of accounting doon sa mga remaining firearms,” ani Lagradante.


Inaalam pa umano ang legalidad kung maaari nang kasuhan ng illegal possession of firearms si Dela Rosa, dahil administratibo pa ang proseso ng pagbawi sa kanyang lisensya.

Magugunitang kinuwestyon ng abogado ni Dela Rosa na si Israelito Torreon ang batayan ng PNP sa pagbawi ng mga nasabing lisensya at sinabing maghahain sila ng motion for reconsideration sa FEO.



Tags: Senador Ronald Bato Dela Rosa

You May Also Like

Most Read