Ni MARK ALFONSO
IPINADEDEKLARA ni Senador Jinggoy Estrada na heritage site at tourist destination ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Redemptorist Church na nasa Baclaran, Parañaque City.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2728 makaraang ideklara ng National Museum na “important cultural property” o ICP ang Baclaran Church.
“Nakasanayan na natin na tuwing Miyerkules ay ‘Baclaran Day’ dahil maraming Pilipinong Katoliko ang bumibisita sa simbahang ito at dinadayo ito ng umaabot sa 150,000 katao sa kada linggo,” sabi ni Estrada na isang deboto ng Baclaran Church.
“Hindi maikakaila na ang Redemptorist Church na kilala rin bilang National Shrine of Our Mother of Perpetual ay isa sa pinakasikat na simbahan sa bansa at itinuturing na isa sa pinakamalaking Marian churches sa bansa na umaakit ng maraming deboto at turista,” wika pa ng senador.
Sa paghirang dito bilang isang heritage site at tourist destination, inaatasan ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Parañaque, at iba pang kinauukulang ahensya na maglatag ng plano para mapaunlad ang turismo sa lugar.
Kasama sa plano na ito ang pagtatayo, paglalagay, at pagpapanatili ng angkop na pasilidad at imprastruktura upang mapahusay ang kabuuan ng paligid ng Baclaran Church, at tiyakin ang accessibility at seguridad ng mga turista.
Inihayag ni Estrada na ang pondo para sa implementasyon ng tourism development plan ay isasama sa badyet ng lokal na pamahalaan ng Parañaque.
Bukod dito, ang DOT ay magbibigay ng teknikal na tulong sa tourism capacity building at isasama ang Baclaran Church sa mga programa nito sa pambansa at rehiyonal na promosyon.
Dahil ang Baclaran Church ay idineklara na bilang isang ICP ng National Museum of the Philippines (NMP), maaaring makatanggap ito ng subsidiya mula sa pamahalaan para sa pangangalaga at pag-iingat nito.
Tiniyak din niya na ang paglagak ng pondo para sa tourism development at posibleng dagdagan pa ito ng DOT mula sa kanilang sariling pinagkukunan ng pondo.