IPATUTUPAD ng Senado ang tatlong linggong lockdown na magsisimula sa Lunes, Agosto 15.
Ito ang inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri dahil umano isasailalim ang building sa disinfection matapos na tatlong senador at iba pang Senate personnel ang dinapuan ng COVID-19.
Matatandaan na naunang naging positibo sa COVID-19 si Senator Alan Peter Cayetano na sinundan ni Sen. Imee Marcos at Sen. Cynthia Villar, habang si Senator Chiz Escudero ay nag-self isolate nang maging positibo rin sa virus ang isa niyang aide.
“For the record, papasok po tayong lahat. ‘Yung exempted lang sa pagpasok natin dito sa plenaryo ay ‘yung mga may COVID, ‘yung may sintomas, and ‘yung may close contacts,” paliwanag ni Zubiri.
Ayon pa Zubiri, ang mga hindi makakapasok sa Senado ay papayagan “to avail of the hybrid system.”
Isang bisita lamang ang puwedeng pumasok sa Senate compound habang ang bawat ahensiya o organisasyon ay papayagan na magdala ng tatlong resource persons at ang iba ay maaaring mag-participate virtually.
Kailangan din na magpakita ang bibisita sa Senado ng negative RT-PCR test at QR code “taken within 24 hours” o antigen test “taken within 12 hours” bago pumasok sa Upper Chamber.
Ipinaalala rin ng Senado na ang COVID-19 test ay dapat mula sa facility na accredited ng Department of Health.
Sa session sa Senado, dalawang staff kada senador ang ipatutupad at ang elevator ay dapat limang katao lamang ang sakay.














