Si Sen. Erwin Tulfo sa kanyang pagdalo sa buwanang "Balitaan" sa Harbor View Restarurant sa Ermita na isinasagawa ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA).

SEN. ERWIN TULFO, PAIIMBESTIGAHAN ANG MATINDI AT PALAGIANG PAGBAHA SA PALAWAN

By: Jerry S. Tan

Mahigpit na nananawagan si Senator Erwin Tulfo ng agarang imbestigasyon sa paulit-ulit at matitinding pagbaha sa Puerto Princesa City, Palawan matapos ang panibagong insidente ng pagbaha nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 18. Napag-alamang ang mambabatas ay lumaki sa Palawan.

May 100 pamilya ang sinagip ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang barangay sa lungsod matapos bahain ang kanilang mga kabahayan dulot ng Bagyong Crising. Ayon sa ulat, higit sa 6,000 pamilya mula sa 31 barangay ang naapektuhan at nawalan ng tirahan.


Matatandaang Pebrero ngayong taon nang mapasailalim sa state of calamity ang lungsod nang malubog ito sa baha dahil lamang sa “shear line” o iyong mabilis na pagbabago ng direksyon ng hangin.

Ito umano ang nais silipin ni Senador Tulfo— kung bakit tila lagi na lang lubog sa baha ang naturang lugar kapag umuulan doon.

“Halos 100 pamilya o mahigit 200 na indibidwal ang na-rescue ng Coast Guard sa isang barangay sa Puerto Princesa dahil nalubog na ang mga bahay nila sa tubig baha,” ani Sen. Tulfo.


Dadag pa niya na nitong Pebrero lamang, bagama’t walang bagyo ay lumubog din ang ilang barangay ng lungsod.

“Gusto ko malaman at ng mga taga-Palawan kung bakit sila binabaha ngayon doon. Wala ba silang maayos na drainage system? Palpak ba ang kanilang urban planning? Kalbo na ba ang kabundukan doon dahil sa illegal logging at mining?” saaad ni Sen. Tulfo.


Ayon pa kay Sen. Tulfo, kailangan ng mga residente ng malinaw na paliwanag mula sa Local Government Unit at government agencies kung ano o saan ang problema.

Nakatakdang maghain ang Senador ngayong Lunes ng isang resolusyon upang maimbestigahan ang pagbaha sa naturang lalawigan at magawan ng paraan ang sitwasyon doon sa lalong madaling panahon.


“At kung kailangan na may managot dahil naging pabaya o nagnakaw – so be it!” pahayag pa ni Sen. Tulfo.

Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like