Si Sen. Erwin Tulfo habang nagpapaabot ng personal na pakikiramay sa mga namatay sa pagguho ng landfill sa Cebu.

SEN. ERWIN TULFO, NAGHATID NG TULONG SA MGA BIKTIMA NG LANDFILL LANDSLIDE SA CEBU

By: Jerry S. Tan

Bilang pagtitiyak ng suporta ng pamahalaan para sa mga pamilya ng biktima ng pagguho ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City ay personal na binisita ni Sen. Erwin Tulfo ang lugar ng trahedya nitong Sabado, Enero 18.

Kasabay niyan ay binigyang-diin din ni Tulfo na dapat kaagarang mapanagot ang mga ahensyang may kinalaman sa insidente, partikular na ang Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), dahil sa umano’y kakulangan sa mahigpit na pagbabantay sa operasyon ng landfill.


Bukod sa pagsiguro na may tulong na makukuha mula sa gobyerno ang ,pamilya ng mga nasawi, nagpaabot din si Sen. Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice and Rural Development, ng paunang tulong pinansyal sa ilang pamilya ng mga nasawi.

Agad din niyang tinawagan ang Department of Social Welfare and Devlopment upang matiyak na masusundan pa ito ng malawak na ayuda mula sa pamahalaan, kabilang ang burial assistance, tulong medikal para sa mga sugatan at tulong pangkabuhayan para sa mga pamilyang nawalan ng kabuhayan.

“Ngayon pinaka-kailangan ng tulong ng pamilya ng mga biktima. Kalunos-lunos itong nangyari na nagtatrabaho lang ang mga kapamilya nila, napahamak pa,” ani Sen. Tulfo.


Sa kaniyang pagbisita ay personal na nasaksihan ni Tulfo ang lawak ng pinsalang idinulot ng gumuhong bundok ng basura na tumabon sa gusaling nagsisilbing opisina at bunkhouse ng mga empleyado ng pribadong landfill. Ayon sa mga ulat, nasa loob ng naturang gusali ang karamihan sa mga biktima nang mangyari ang trahedya.

Kasunod ng pagdating ni Tulfo sa lugar, agad itong nakipagpulong sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang mabilis na pagdating ng karagdagang tulong para sa mga naapektuhan.




“Hindi ko maintindihan kung bakit pinayagan ng EMB ng DENR na magtayo ng gusali sa paanan ng bundok ng basura,” pahayag ni Tulfo sa mga naulilang pamilya.

Aniya, malinaw umanong delikado ang lokasyon at matagal nang may banta ng pagguho. Dagdag pa ng senador, kung nagampanan lamang ng mga kinauukulang ahensya ang kanilang tungkulin ay posibleng naiwasan ang trahedya.


“Kung ginawa lang nila ang dapat nilang gawin, malamang buhay pa ang mga taong ito,” aniya.

Samantala ay tiniyak din ni Tulfo na isusulong niya sa Senado ang isang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at masiguro na hindi na mauulit ang ganitong uri ng sakuna.

“Hindi lang ito tungkol sa tulong ngayon, kundi sa pananagutan at pagprotekta sa buhay ng mga manggagawa sa hinaharap,” ayon pa sa Senador.


Sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot na sa 36 ang kumpirmadong nasawi habang 18 naman ang sugatan sa insidenteng naganap noong Enero 8, 2026.

Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like