“Dalawang bagay lang ‘yan. Either tanga ka or talagang kasabwat ka.”
Ganito isinalarawan ni Sen. Erwin Tulfo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos nitong ikaila ang anumang kinalaman sa maanomalyang flood control projects sa pagtutuloy ng pagdinig ng Senado.
Sa isang panayam sa DZMM, inihayag ni Sen. Erwin, Vice Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na bagama’t ang isyu kay Bonoan ay nasa kamay na ng korte, naniniwala siya na si Bonoan ay “either sobra ka kumpiyansa, tanga ka or kasabwat ka.’
Isinusulong din ni Tulfo ang pagbibigay-hustisya sa mga kontraktor na ginawa naman nang maayos ang kanilang trabaho subalit ngayon ay may mga subpoena o di kaya ay may kaso dahil sa mga maling coordinates.
“Maraming kawawang contractor… justice should be served properly. Kung ginawa naman talaga nila ang proyekto, natapos ba, substandard ba, specified ba na dito mo gagawin. Bakit mo kakasuhan kung nasa tamang standard at completed. Maraming kinakasuhan…me subpoena, nagpapaliwanag. Di maganda kasi pinangunahan nang maraming ghost, ‘yun pala, di na-pinpoint nang tama,” aniya.
Ayon kay Sen. Erwin, ang mga totoong ‘ghost projects’ ay dapat na matukoy, kasabay ng pahayag na ultimo mga Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na bihasa sa paghahanap ng eksaktong coordinates ay naguluhan dahil may mga pagkakataon na ang distansiya ng coordinates ay umaabot ng isa hanggang dalawang kilometro.
“Hustisya lang sa mga gumawa nang tama at nasa ayos naman. Di maganda kasi ang impression na pinaasa ang Pangulo at taumbayan na napakaraming ‘ghost projects’ ‘yun pala nagawa. Mali-mali lang dahil sa maling coordinates,” Sen. Erwin sighed.
Itinuloy umano ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig bunga ng pag-amin ng DPWH na maraming maling coordinates kaugnay ng flood control projects.
Ani Sen. Erwin, libo ang tinaguriang ghost projects nang dahil sa maling coordinates, at ito aniya ay dapat na maitama at maipaliwanag sa publiko kung bakit may dalawang klase ng coordinates – planning at execution- na siyang naging dahilan para magkaroon ng mga pagkakamali.














