Sina Senator Erwin Tulfo at kanyang kanang kamay na si Jerico Javier habang dumadalo sa pagpupulong kasama ang DFA officials.

SEN. ERWIN TULFO, BUKAS MAKIPAG-USAP SA CHINESE EMBASSY

By: Jerry S. Tan

BUKAS umano si Sen. Erwin Tulfo na makipagpulong sa Chinese Embassy, kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-usapan ang mga isyu ukol sa West Philippine Sea, kung hihilingin nila ito, kasabay ng pahayag na mas magandang mai-‘tone down’ muna ang mga pahayag partikular na ang mga ‘personal attacks’ na aniya ay nakaapekto sa usapin ng Code of Conduct (COC) sa WPS.

Ito ang sinabi ni Tulfo, bagong-talagang Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, matapos makipagpulong kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro at aniya, napag-alaman niya na may nagaganap na pag-uusap sa pagitan ng DFA at Embassy of China ukol sa COC.


“They are working right now doon sa code of conduct. Dati kasi parang ayaw ng China tanggapin yung Code of Conduct (COC) na’yan, pero ngayon, they are willing. Diyan po sa COC na ‘yan, may mga other nations na involved na claimant kasi sa South China Sea, West Philippine Sea. Nandiyan po yung Malaysia, Brunei, Vietnam at tayo. So kasama po tayo doon sa Code of Conduct, kung ano po ang gagawin, anong dapat magiging pag-uugali ng mga claimant dyan sa lugar na yan,” paliwanag ni Tulfo.

Ukol naman sa posibilidad ng isang pulong kasama siya at ang Chinese envoy, inihayag ng Senador na “Yeah, why not? Kung they will ask for it, sure. We will sit down and see. Eh isa lang naman ang hinihingi natin di ba? Na hayaan ang mga fishermen, hayaan po ang Coast Guard natin. Kasi siguro naman bilang magkapitbahay, we can co-exist peacefully.”

Ayon kay Sen. Erwin, susubukan niyang bisitahin ang National Security Council (NSC) dahil nasa ilalim nito ang Coast Guard at Department of Defense upang ‘wag nang dagdagan ang mga dati nang naihayag na personal, sa layong matulungan ang DFA, dahil “medyo, yung mga statements nila, minsan personal na hindi na talaga yung issue-based yung mga statements…kasi parang dito medyo naiirita po yung China. I’m not saying na we scale down. What I’m saying is siguro wag na nating dagdagan pa.. leave it, what happened, iwan na lang natin na gano’n muna, pero wag na nating dagdagan pa siguro kasi parang nai-ignite.”


Nauunawaan umano niya ang posisyon ng DFA, na mahirap makipag-dayalogo o negotiate tapos may maririnig ka na may gulo na naman.

Aniiya, lumambot na din kahit paano ang China dahil “may mga RORE mission na po tayo na hindi na po sinasaktan, hindi na po hinahabol-habol ng China Coast Guard, yung mga Coast Guard natin, ang ating mga resupply missions. No more. Naka-ilang mission na po tayo? Three, four RORE mission na po na dahil sa pakiusap po ng Foreign Affairs natin, pumayag din po ang China na resupply, humanitarian




purpose, pagkain ng mga sundalo. So hindi na po hinahabol-habol, biglang tumahimik po.”

“That’s one thing na bahagi daw po yung ongoing negotiations, dialogue ng Philippine government with China. Tapos, ayun na nga po yung Code of Conduct, lalo na po pag naaprubahan ito, hopefully according to DFA, by December this year plantasado na po itong COC. So, maiiwasan na po itong mga sakitan, mga harassment dyan po sa South China Sea slash West Philippine Sea,” dagdag pa niya.


Sisikapin din umanong kausapin ni Tulfo ang kanyang mga kasamahan sa Senado, sa pakiusap na din ng DFA, na kung maari ay mag-‘tone down’ na muna habang nakabinbin ang dayalogo ukol sa COC na target matapos sa Disyembre, bagamat kinausap din umano ni Tulfo ang DFA na ipaliwanag sa Chinese Embassy ang konteksto ng freedom of speech at expression sa Pilipinas bilang nakapaloob sa Konstitusyon.

“Siguro ‘yung atake personal na ang pangit ng mukhang ganito. So parang doon nasaktan sila eh, na parang ‘binastos yung pangulo namin’. So siguro baka, pero sinabi ko naman sa kanya, but it is part of our freedom of expression. It’s contained in our Constitution dapat parating niyo din sa secretary, sa kanila, sa Chinese Embassy,” aniya pa.

Layon din umano ng isang ‘ceasefire’ sa mga pahayag na mabawasan ang tension sa pagitan ng Philippine forces at mga mangingisda at sa kabilang banda ay Chinese Navy at Chinese Coast Guard.


“Dati po ayaw po ng China ‘yan (COC). No, we don’t like any conduct or whatever, arbitral ruling. Pero ngayon po, they softened and according to the Secretary ng DFA, they’re more amenable now to the Code of Conduct. So binibilisan po ng four nations, Malaysia, Brunei, Vietnam, Philippines, na matapos po ang COC. Mukhang nakita naman daw ng China government yung COC. Mukhang okay sila doon. So medyo slowly, mukhang tanggap nila para ma-ease din ‘yung tension,” paliwanag pa ni Tulfo.

Kung hindi matitigil ang batuhan ng masasakit na salita, higit umanong maantala ang pag-resolba at pagbuo ng COC na aniya ay natigil na nga dahil sa mga sagutan.

Dapat umanong tingnan na rin ng mga leaders o commanders’ yung mga statements bago mag-isyu ng mga ganito dahil nakakaapekto umano sa mga nagaganap na dialogue, kung saan imbes na mapaganda ay hindi natutuloy gaya nga ng COC.

“I’m not saying po na we hold back on our statements pagdating sa claim po natin sa West Philippine Sea. Tapos kung meron naman po talaga nangyayaring sakitan, kailangan po natin sabihing sa taumbayan na may gano’ng ongoing na pangyayari. Kaya nga minamadali ‘yung COC para maiwasan na po ‘yung sakitan, maiwasan na po yung tinataboy yung mga mangingisda natin. Kasi I believe isa sa mga nakapaloob doon sa COC ang pag-uugali ng bawat claimant doon sa WPS. ’ Yung foreign policy naman natin ay friends to all, enemies to none. So why don’t we sit down?” ani Tulfo.

Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like