INIHAYAG ni Senator Erwin Tulfo na pahaharapin ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa mga examiner, regional directors, maging ang dating Commissioner, para sa minumungkahing imbestigasyon sa pag-abuso sa Letter of Authority (LOA) na pinaiiral ng ahensya.
Aniya, ito ang layunin ng Senate Resolution 108 na inihain niya bilang Senate Blue Ribbon Vice Chairman, bunga ng sunud-sunod na reklamo mula sa maliliit at malalaking negosyo na apektado ng nasabing scheme.
Ibinahagi ni Tulfo na ipapatawag ng Blue Ribbon Panel ang mga BIR examiner, regional director, at maging si dating BIR Commissioner Romeo Lumagui kapag nagsimula na ang imbestigasyon.
“Habang abala tayo sa pag-iimbestiga sa isyu ng flood control, may korapsyon na yumayabong sa BIR. Kaya nga sinabi ko sa plenary debates ng ahensiya na sila ang pangalawa sa pinakakorap na ahensiya, kasunod ng Department of Public Works and Highways (DPWH),” pahayag ni Tulfo.
Dagdag pa niya: “Sobra-sobra po yung kanilang ginagawa! Kahit nagbayad na po yung isang negosyante, negosyo ng kanyang buwis, i-inspeksyunin pa po. Ang pagka-intindi ko po sa LOA, ang LOA po ay para search warrant po.”
Ayon sa bagitong Senador, nakatanggap ang kanyang tanggapan ng hindi bababa sa limang reklamo tungkol sa scheme, habang nakatanggap din ng mga katulad na reklamo ang kanyang mga kasamahang Senador na sina JV Ejercito at Loren Legarda.
Bukod sa imbestigasyon, hihimukin din ni Senador Tulfo ang BIR, lalo na ang bago nitong pamunuan, na magsagawa ng reshuffle ng mga opisyal.
“Hinihimok ko ang bagong Commissioner na magsagawa ng reshuffle dahil sa mga reklamo na natanggap namin, posibleng may kinalaman dito ang mga regional directors,” idineklara niya.
Pagdidiin pa ni Sen. Tulfo, ang umano’y money-making scheme na ito ay hindi lamang nagpapababa ng dignidad ng mga negosyanteng Pilipino kundi nagpapahina rin ng loob ng mga mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa bansa.














