Kinalampag ni Sen. Erwin Tulfo ang mga ahensya ng gobyerno na magsanib-pwersa para protektahan ang mga mahihirap nating kababayan, kasabay ng babala na posibleng humaba ang hagupit sa ekonomiya ng gulo sa Middle East.
Ani Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, hindi pwedeng “one-time thing” lang ang gawin ng pamahalaan habang lalong umiinit ang tensyon sa ibang bansa.
Sa pagdinig para sa pag-amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pag-institutionalize sa Sustainable Livelihood Program (SLP), inamin ng senador na nag-aalala siya kung hanggang kailan kakayanin ng kasalukuyang ayuda ang krisis.
“Sana po, itong ayuda natin, hindi po ito one-time lang. Kasi that’s what I’m really scared na paano po pag tumagal ito. Paano po pag umabot ito na hanggang June and we have to prepare and brace ourselves lalo na po yung mga mahihirap na kababayan natin. Yung very vulnerable sectors po yung ating mga manggagawa,” ani Tulfo.
Partikular na nanawagan ang Senador sa mga ahensya na abutan din ng tulong ang mga tinatawag na “near-poor” o ‘yung mga kumikita lang ng minimum wage na madalas nakakalimutan sa mga social assistance program. Tinanong nito kung may matatanggap bang suporta ang mga bagger sa supermarket, cashier, janitor at security guard sa gitna ng nagmamahalang bilihin.
Binigyang-diin pa ni Tulfo na lalong bibigat ang pasanin ng mga pamilya kapag nagsimula na ang pasukan, lalo’t inaasahang tatagal pa ng tatlong buwan o baka higit pa ang gulo sa Middle East.
“Sa ngayon, bakasyon pa ang mga bata. Pero paano pagbalik nila sa eskwela? Double whammy ito—pasan na ng mga magulang ang matrikula, sasabay pa ang taas-presyo ng bilihin at gamit sa school,” dagdag ng Senador.
Dahil dito, ibinida ni Tulfo ang pagbuo ng Senado sa Ad Hoc Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT). Layunin umano nito na pag-isahin ang aksyon ng gobyerno laban sa anumang “economic shock” o bagsak ng ekonomiya dahil sa mga giyera sa ibang bansa.
“Kailangan ng unified effort. Sa pamamagitan ng PROTECT, pinagsasama-sama natin ang mga ahensya. Trabaho namin ito—ang mamuno sa serbisyo-publiko at tiyaking handa tayo.” pagtatapos ni Tulfo.














