“We’ve been talking for a year. Enough talk. Surrender or face the music.”
Ito ang paalala ni Secretary of the Interior and Local Government Jonvic Remulla kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, kaugnay ng ibinabang ultimatum ng Philippine National Police (PNP) na sumuko ito nang mapayapa.
Pinaalalahanan ni Remulla ang Senador na isasagawa ang pwersahang pag-aresto dito kung hindi susunod sa deadline ng PNP.
“Then we pursue him with all abandon,” sinabi pa ni Remulla nang tanungin kung ano ang mangyayari kung hindi pa rin susuko si Dela Rosa ngayong linggo.
Matatandaan na nanawagan ang mga lider ng Senado sa mga awtoridad na siguruhin ang ligtas, maayos at mapayapang pag-aresto kay Dela Rosa sa gitna ng posibilidad na magiging marahas ang isasagawang law enforcement operation.
Sa likod ito ng pahayag ng mga kaalyado ng senador na ang paglaan ng P50 million reward sa ikadarakip ni Deala Rosa ay posibleng maging mitsa para ilagay ng ilan ang batas sa kanilang mga kamay ng dahil lamang sa malaking halaga.
Si Dela Rosa ay nagtatago matapos isyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa ‘war on drugs’ sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago nito, lumutang si Bato sa Senado para bumoto kaugnay sa pagpapalit ng Senate presidency kung saan nagkaroon pa ng kaguluhan bunsod ng naganap na putukan sa loob mismo ng Senate compound.














