PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kasama ang First family at si Manila Mayor Honey Lacuna, ang nationwide commemoration ng ika-126th Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa ginanap na flagraising at wreath-laying ceremony sa Rizal Park Monument sa lungsod ng Maynila kahapon, June 12, 2024, Independence Day.
Taglay ang temang ‘Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan’, ang kaganapan sa taong ito ay sumasaklaw sa bagong tradisyon ng Bagong Pilipinas sa paggunita sa kalayaan ng bansa at sa paghubog nito tungo sa malaya at maunlad na bansa
Naging mapayapa at maayos ang selebrasyon ng ika-126th taon ng Araw ng Kalayaan sa Pilipinas na sabayang ipinagdiriwang sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Sa Maynila, napanatili ang kaayusan sa buong pagdiriwang sa Rizal Park dahil sa direktiba ni National Capital Regional Office (NCRPO) chief Police Major General Jose Melencio Nartatez sa kanyang nasasakupan partikular sa Manila Police District (MPD) na nagpakalat ng mahigit 1,600 pulis para magbantay sa buong paligid ng Quirino Grandstand.
Sa ibinahaging mensahe ni Pangulong Marcos Jr., ay sinabi nitong “isang karangalan na mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa, at bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyaking hindi na tayo kailanman magpapatinag sa anumang banta ng pananakot, pananakop, at pang-aapi.”
Bukod kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ay dumalo rin sa pagdiriwang ang mga opisyal mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga kinatawan ng iba’t-ibang bansa.
Sa naging mensahe ni Pangulong Marcos, Jr. para sa nasabing pagdiriwang, humugot ang Pangulo ng inspirasyon mula sa araw-araw na pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan na napagtagumpayan ang mga hamon sa pamamagitan ng pagsisikap, lakas ng loob at katapangan.
Hinikayat ng Pangulong ang sambayanan na patuloy na magsikap at lumaban sa mga kasalukuyang hamon upang makalaya sa kahirapan.
Dito binigyang-pagkilala ng Pangulo ang kahanga-hangang katangian ng mamamayang Filipino gaya ng mga magsasaka, mangingisda, guro at sundalo ng bansa na ang ‘laban’ ay katulad sa kanilang mga ninuno.
“While the times may be different our struggles remain the same. Still we continue to witness the true spirit of freedom in every Filipino who fights fairly in their day-to-day lives,” ayon kay Pangulong Marcos.
“We see it in the resilience of our farmers and fisherfolks as they provide us sustenance. We see it in the dedication of our teachers as they nurture the minds of the future generation. We see it in the tenacity of our soldiers as they protect every inch of our territory, adamant as they are in the certainty that Filipinos do not, and shall never, succumb to oppression,” dagdag na wika nito.














